Naic, FEU celebrate ‘Urbana at Feliza’ anniversary

Setyembre 13, 2014 (Sabado). Magkakatuwang ang pamahalaang lokal ng Naic, Parokya ng Naic, at Far Eastern University (FEU) Manila sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng librong Urbana at Feliza.

Ang pagkakarakol bilang pagsalubong ng Naic sa mga bisita nito para sa ika-150 taong anibersaryo ng Urbana at Feliza.

Ang pagkakarakol bilang pagsalubong ng Naic sa mga bisita nito para sa ika-150 taong anibersaryo ng Urbana at Feliza.

Dalawang araw na nagtipon ang mga taga-akademya, pamahalaan at simbahan para sa isang pagtitipong pampanitikan at kultural. Idinaos kahapon ang Unang Pambansang Kumperensya sa Wika at Panitikan sa FEU, kaugnay sa pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakalimbag ng Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro. Dating kura ng Naic si Padre de Castro at sa Naic din niya natapos ang pagsusulat ng Urbana at Feliza noong 1864. Ang kumperensya sa FEU ay may temang “Ang Tinig at Himig nina Urbana at Feliza: Iba’t Ibang Dulog at Pagbasa.” Isa sa mga layunin ng kumperensya ay ang madalumat ang Urbana at Feliza bilang teksto sa panunuring pampanitikan. Sa endorso ng Department of Education at Commission on Higher Education, at sa suporta ng pamahalaang lokal ng Naic, nagsidalo sa FEU ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng bayan.

Ang mga kasapi ng CWL para sa isang sayaw na inihandog sa pagdiriwang ng ika-150ng anibersaryo ng Urbana at Feliza.

Ang mga kasapi ng CWL para sa isang sayaw na inihandog sa pagdiriwang ng ika-150ng anibersaryo ng Urbana at Feliza.

Nitong umaga, nagkaroon naman ng field trip sa Naic ang mga lumahok sa kumperensya. Pasado ika-10 nang umaga, sinalubong ng mga taga-Naic sa Tulay ng Kay-Alamang ang mga bisita. Mula roon, nagkarakol ang lahat patungo sa Hardin ni Maria sa simbahan ng Naic. Nagkaroon ng palatuntunan tampok ang mga sayaw mula sa mga kasapi ng CWL; mensahe mula sa mga pinuno ng bayan na sina Father Virgilio Mendoza, Mayor Junio Dualan at Vice Mayor Rodrigo Castillo; panalangin at awit para kay Padre de Castro; at kainan. Masagana ang tanghalian kung saan inihain ang iba’t ibang ulam gaya ng letsong baboy ramo, kakanin gaya ng sinudsod at mutse, at iba pa gaya ng pansit choco. Inilibot ang mga bisita sa kumbento at simbahan, maging sa Naic Elementary School na dating Casa Hacienda de Naic. Tinatayang nasa 300 katao ang nakibahagi sa mga gawain ngayong araw.

Ang mga dumalo sa palatuntunan sa Naic para sa ika-150ng anibersaryo ng Urbana at Feliza.

Ang mga dumalo sa palatuntunan sa Naic para sa ika-150ng anibersaryo ng Urbana at Feliza.

Ang “Urbana at Feliza” na ang buong pamagat ay “Pagsusulatan nang Dalawang Binibini na si Urbana at si Feliza” ay binubuo ng palitan ng liham ng dalawang magkapatid. Ang lalong bata, si Feliza, ay nag-aaral sa isang kolehiyo ng mga babae sa Maynila, samantalang ang nakatatanda, si Urbana, ay puno ng pangaral sa kaniyang kapatid hinggil sa kung ano ang dapat ugaliin sa iba’t ibang pagkakataon. Binabanggit niya ang mga tukso at panganib sa landas ng kabataan at sinasabi kung paano maiilagan ang mga ito (Wikipedia).

06

Isang tagpo sa tour kung saan ipinaliliwanag ni G. Ryan Sebastian sa mga bisita ang kwento ng bartolinang natutunghayan sa Naic Elementary School.

Matatandaang noong Enero 21, 2014 ay hinawi ang Panandang Pangkasaysayan ni Padre Modesto de Castro sa Kumbento ng Naic. Nakasulat sa pananda ang sumusunod, “Isinilang sa Biñan, Laguna, 15 Hunyo 1819. Nag-aral ng Teolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagsilbing Kura Paroko ng Paombong, Bulacan, 1851-1854, Kura Rektor ng Katedral ng Maynila, 1855-1857, at Kura Paroko ng Naic, Cavite, 1857-1864. Tinaguriang ‘Ama ng Prosang Tagalog.’ Kabilang sa kanyang mga akda: ang Platicas Doctrinales, Novena de San Isidro Labrador, Novena del Apostol Santiago at Exposicion de las Siete Palabras. May-akda ng Urbana at Felisa, na nagsilbing gabay ng kagandahang-asal at pakikipagkapwa-tao noong panahong iyon, 1864. Yumao, 21 Enero 1864.” Tunghayan ang mga larawan nang hawiin ang tabing sa Naic.

Inahahandog din ng Naic Cavite Online ang natatanging album, laman ang ilang mensahe ng Urbana at Feliza: tingnan sa link na ito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s