Typhoon Mario, habagat hit Naic

Setyembre 19, 2014 (Biyernes). Binaha ang maraming lugar sa Naic at naantala ang mga itinakdang gawain matapos dumaan ang nagsanib na habagat at bagyong Mario.

Ang pagbuhos ng ulan sa Bancaan bunga ng bagyong Mario at habagat.

Ang pagbuhos ng ulan sa Bancaan bunga ng bagyong Mario at habagat.

Bagaman hindi direktang tumama sa Cavite, hinatak ng bagyong Mario ang habagat kung kaya bumuhos ang matinding ulan sa Naic. Mula madaling araw hanggang pa-gabi ay walang humpay ang ulan. Halos buong araw na nasa ilalim ng red rainfall alert ang Cavite. Katumbas nito ang ulang nasa walong galon kada metro kwadrado sa bawat oras.

Bandang ika-6 ng umaga, sinuspinde na ng Kapitolyo ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa buong lalawigan. Nagsuspinde rin ng pasok sa trabaho ang maraming pampubliko at pribadong tanggapan kabilang na ang Munisipyo.

Kuha sa Bucana Sasahan habang nananalasa ang matinding ulang dala ng bagyong Mario at habagat sa Naic.

Kuha sa Bucana Sasahan habang nananalasa ang matinding ulang dala ng bagyong Mario at habagat sa Naic.

Samantala, umaga pa lamang ay nagbaha na sa mga baryong kostal dahil sa pagsabay pa ng high tide. Nag-hanggang bewang ang baha sa ilang bahagi ng Mabulo at hanggang tuhod sa ilang panig ng Bucana Sasahan. Pinasok ng tubig ang ilang kalsada sa Labac at Bancaan; habang baha rin sa Bucana Malaki, Bagong Kalsada, Munting Mapino at mga baryong Timalan.

Binaha rin maging ang mga pangunahing daan sa Naic. Sa kasagsagan ng ulan ay may mga pagkakataong umaabot sa bukung-bukong ang bahang umaagos sa palibot ng plaza, pababa sa ilat na nagdurugtong sa Pelaez at Balsahan. Tumaas din ang tubig sa highway sa Ibayo Silangan, sa bahaging malapit sa Petron hanggang sa may malapit sa kapilya ng Iglesia ni Cristo. Bahang-baha rin sa Sabang malapit sa krosing sa ibayo dahil naman sa naiipong tubig mula sa kaparangan.

Tumaas din ang tubig sa mga ilog at kaagad na binaha ang Balsahan. Inabot ng tubig ang ilang bahay sa underpass ng Kanluran, at nangamba ang mga taga-Gombalza at Dandan nang halos lumampas na rin sa breakwater ang tubig sa mga lugar.

Bagaman marami sa mga taga-Naic ang nasa kani-kanilang mga bahay, perwisyo pa ring itinuring ng marami ang bagyo. Marami sa mga kabahayan ang pinasok ng tubig. Halimbawa na lamang ang mga bahay sa Sapa matapos umapaw ang mga tubigan doon. Pinasok naman sa bubong o bintana ang ilang bahay sa Naic. Marami ring gawain ang hindi na natuloy o ipinagpaliban.

Ang umapaw na Ilog ng Saluysoy, kuha mula sa Lopez Jaena sa Kanluran.

Ang umapaw na Ilog ng Saluysoy, kuha mula sa Lopez Jaena sa Kanluran.

Kabilang sa mga apektadong gawain ngayong araw ang kamping ng mga batang scout sa Bucana Elementary School; maging ang closing program ng University Games ng Cavite State University (CvSU). Una nang naantala ang pagbubukas ng palaro sa CvSU dahil naman sa bagyong Luis noong Lunes. Ang bagyong Luis din ang dahilan upang hindi matuloy ang ilang laro sa idinaraos namang Municipal Meet ng mga sekundarya sa Naic noong Sabado.

Tanghali ngayong araw nang ikansela ng Municipal Environment and Natural Resources Office (Menro) ang malawakang cleanup na itinakda sana bukas. Ayon sa Facebook fanpage ng Menro, hindi matutuloy ang gawain dahil sa hindi magandang panahon na posible umanong magtuluy-tuloy hanggang bukas.

Pinasok ng tubig ang isang bahay sa Bucana Sasahan bunga ng ulang dala ng bagyong Mario at habagat sa Naic.

Pinasok ng tubig ang isang bahay sa Bucana Sasahan bunga ng ulang dala ng bagyong Mario at habagat sa Naic.

Kinahapunan ngayong araw, sinuspindeng muli ng Kapitolyo ang mga pasok sa lahat ng antas ng paaralan bukas sa buong lalawigan.

Sa sandaling ito, ika-8 ng gabi, ay tila na ang ulan sa Naic. Inaasahang hupa na rin ang mga bahang nagpalubog buong araw sa bayan.

4 thoughts on “Typhoon Mario, habagat hit Naic

  1. Maraming salamat sa pagbibigay ng impormasyon nalalaman namin ang nangyayari sa bayan ng Naic. I really appreciate it. Keep safe people of Naic.

  2. Salamat po ng Marami sa mga information ninyo,nakakatulong po kayo na wala ang aming pangangamba sa aming mga mahal sa buhay ay nasa panganib. Sala,at po sa inyong paglilingkod.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s