Halloween parties prelude ‘undas’ in Naic

Nobyembre 2, 2014 (Linggo). Sa nakalipas na mga araw, kapuna-puna ang kabi-kabilang halloween parties sa Naic bilang pagsalubong sa undas.

Ang mga halloween parties

Bagaman may mga halloween party nang nagaganap sa Naic sa mga nakalipas na taon, kapuna-punang ang mga halloween party ngayon ay mas madalas at maituturing nang mas tanggap nang paraan ng pagsalubong sa undas.

Halloween parade sa Bucana Malaki.

Halloween parade sa Bucana Malaki.

Unang nagkaroon ng trick or treat sa Labac sa pangangasiwa ng Philippine Independent Church Youth Organization noong ika-29 ng Oktubre. Nangakabihis pang-halloween ang mga bata at kabataang nakilahok sa gawain. Tumuloy sila sa ilang piling bahay sa Labac na ginayakan din para sa idinaraos.

Trick or treat sa Labac.

Trick or treat sa Labac.

Kasunod nito, nagkaroon din ng trick or treat sa mga baryo ng Bancaan at Balsahan, pati na sa Villa Apolonia sa Ibayo Silangan. Nangakabihis din ng samu’t saring kasuotan ang mga nakilahok. Karaniwang tinanggap ng mga bata ay candy mula sa mga tinatapatang mga bahay. May best in costume pang iginawad sa Balsahan.

Gaya naman ng ilang taon nang ginagawa, hindi rin nagpahuli ang mga taga-Bucana Malaki na nagkaroon pa ng parada mismong bisperas ng Nobyembre 1. May premyo ring ibinigay sa pinakanakakatakot na bihis.

Bukod sa mga baryo, may halloween activities din ang mga estudyante ng Bucana Elementary School at Bocalan Elementary School sa Timalan. Pumarada ang mga taga-Bucana at ang kapwa paaralan ay may mga palatuntunan din para sa mga mag-aaral.

Trick or treat sa Balsahan.

Trick or treat sa Balsahan.

Maging ang ilang establisyamento sa Naic ay nakisabay rin sa mga halloween party. May mga costume party at trick or treat ang ilang restaurant, maging botika at gym.

Bagaman may mga nakasuot pang-super heroes, fairy at ilang karakter, karaniwan pa ring matutunghayan ang nagsipagbihis ng katatakutan gaya ng aswang, multo, demonyo at bampira.

Sa mga nakalipas na homilya bago ang undas, paulit-ulit na sinabi sa Parokya ng Naic na iwasan ang pagsusuot ng mga bihis na may kinalaman sa masasamang elemento at espiritu. Sa halip, hinihikayat ng Simbahan na magdamit-santo o santa ang mga nais mag-halloween party gayong iyon umano ang tunay na diwa ng undas.

Ang undas sa Naic

Gaya ng patuloy na kinagawian, mga dalawang linggo pa lamang ay unti-unti nang naglilinis at nag-aayos ng mga puntod ang mga taga-Naic.

Tagpo sa Nazarene Eternal Garden, Nobyembre 1, 2014, bandang 6:00 PM.

Tagpo sa Nazarene Eternal Garden, Nobyembre 1, 2014, bandang 6:00 PM.

Samantala, muli pa ay ipinamalas ng mga taga-Naic ang kanilang pag-alala sa mga yumao. Buong araw na paroo’t parito ang mga tao sa iba’t ibang sementeryo sa Naic nitong unang araw ng Nobyembre. Sunud-sunod din ang daan ng mga sasakyan, karamihan ay mga traysikel, na nangaghahatid-sundo sa mga taong dumadalaw sa mga puntod ng mahal sa buhay.

Mga tagpo sa Nazarene Eternal Garden nitong Nobyembre 1, 2014.

Mga tagpo sa Nazarene Eternal Garden nitong Nobyembre 1, 2014.

Bukod sa paggunita sa mga yumaong kaanak, ang undas ay pagkakataon din upang muling magkita-kita ang nangabubuhay at magkakalayong magkakamag-anak. Tuwing sasapit ang undas, nagsisi-uwi ang mga taga-Naic na nasa malalayong lugar upang dalawin ang puntod ng kanilang mga kaanak sa bayan. Ang mga nasa Naic naman ay higit pang nagkakasama sa mahabang oras ng paglagi sa sementeryo. Naging pagkakataon ang undas upang magkwentuhan, magkainan at magkumustahan ang mga buhay.

Habang mala-pista kung ituring ang Todos Los Santos, ang araw na ito ay panahon upang gunitain ang mga pumanaw na mahal sa buhay. Marami ang nag-alay ng panalangin para sa mga yumao. Matutunghayan sa mga sementeryo ang mga dumadalaw na sama-sama at sabay-sabay na nag-aalay ng dasal habang nasa harap ng puntod ng inaalala. Ang ilang nahuhuli ng dating, umuusal din ng alay na mga panalangin. Ang mga nasa Naic na may mga kamag-anak na nakalibing sa malalayong lugar, sa kani-kanilang mga tahanan na lamang nagtirik ng kandila at nagdasal. Ang mga nasa malalayong lugar gaya ng ibang bansa, sa kinaroroonan na lamang din nagtirik ng kandila at nanalangin. Ilang misa rin ang idinaos sa mga simbahan sa Naic.

Suman at Kakanin
                                          `
Maituturing ang suman bilang pinakakaraniwang kakanin sa Naic tuwing sasapit ang Todos Los Santos. Dati-rati ay ito rin ang kalimitang ibinibigay tuwing may nangangaluluwa sa mga bahay-bahay. Sa kasalukuyan, marami pa rin ang gumagawa nito para sa kani-kanyang pamilya, bukod pa yaong mga gumagawa ng suman bilang pambenta. Bukod dito, marami rin ang nagluluto ng biko at iba pang malalagkit na kakanin.
                                          `
At iba pa
                                          `
Isang bagong pribadong sementeryo ang itinatayo ngayon sa Halang. Sinasabing isang columbarium o lagakan ng mga na-cremate na bangkay ang bubuksan naman sa Sabang. Bukod dito, isang columbarium din ang sinasabing bahagi ngayon ng hangarin ng Simbahan ng Naic. Ilan lamang ang mga ito sa mga usaping pang-Naic ngayon na may kinalaman sa kamatayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s