Church, local government cancel feast day activities due to typhoon Ruby

Disyembre 8, 2014 (Lunes). Napilitan ang Parokya ng Naic at pamahalaang lokal na kanselahin ang ilang gawaing pang-fiesta dahil sa pagpasok ng bagyong Ruby. Patrona ng bayan ang Inmaculada Concepcion.

Kuha sa isang misa ngayong fiesta sa simbahan ng Naic.

Kuha sa isang misa ngayong fiesta sa simbahan ng Naic.

Banta ng bagyo

Ika-4 pa lamang ng Disyembre ay napaulat na maaaring maapektuhan ang Cavite ng super bagyong Ruby (international name: Hagupit). Sa mga pagtataya ay sinasabing maaari itong dumaan sa Naic sa panahon ng kapistahan ng bayan.

Kinabukasan, Biyernes, ay sinuspinde na ng Kapitolyo ang mga pasok sa paaralan upang mapaghandaan at maging ligtas ang buong lalawigan. Kapagdaka ay sinuspinde na rin ng Kapitolyo ang pasok para sa Sabado, at bagaman ilang araw pa ay kinansela na rin ang pasok para sa mga araw ng Lunes, mismong fiesta ng Naic, hanggang Martes.

Hudyat ng fiesta

Ika-6 ng Disyembre, kapuna-puna na ang masiglang pagpaparoo’t parito ng mga tao sa kabayanan ng Naic.

Ang perya sa Naic na ipinuwesto sa grand terminal sa Ibayo Silangan.

Ang perya sa Naic na ipinuwesto sa grand terminal sa Ibayo Silangan.

Bukod sa peryaang ilang linggo nang nabuksan, sinimulang itayo ang tila baratilyo sa palibot ng liwasan. Pinangasiwaan ng Permits and Licensing Office ang mga pwesto ng tindahaang itinindig sa poblasyon. Matutunghayan din ang patuloy pang nagsusulputang mga nagtitinda sa kahabaan ng Ibayo Silangan.

Panay naman na ang paglilinis at paggagayak ng mga bahay sa Naic na magdiriwang ng fiesta. Nagsisimula na ring magtimpla at magluto ang ilan ng mga ihahanda sa fiesta. Damay naman sa sigla ng bayan ang kapansin-pansing pagsigla ng mga kalakal at negosyo, kabilang na ang transportasyon.

Tampok sa araw na ito, bilang banal na pagdiriwang, ang Hermanahan para sa kapistahan. Pinangunahan ni Bishop Reynaldo Evangelista ang Misa Concelebrada. Ayon sa homilya ng Obispo, nagdiriwang umano ngayon ang Simbahan ng Year of the Poor. Kinakailangan umanong magkaisa ang lahat sa pananampalaya gayong ang paghihirap ay hindi lamang sa yamang materyal, kundi maaaring paghihirap din sa aspetong ispiritwal. Hermana de Fiesta si Jinky Abad-Dualan.

Ang mga taga-Naic na nagdiwang ng kapistahan ng Inmaculada Concepcion sa Virginia, USA.

Ang mga taga-Naic na nagdiwang ng kapistahan ng Inmaculada Concepcion sa Virginia, USA.

Kaugnay nito, bagaman nasa ibang bansa, kaisa rin ang mga Naicquenong nasa Amerika sa pagdiriwang ng kapistahan ng Inmaculada Concepcion. Noong ika-6 ng Disyembre, nagtipun-tipon ang mga taga-Naic sa Virginia Beach sa Virginia para sa isang banal at isang masayang salu-salo.

Bisperas ng Fiesta

Sa kabila ng banta ng bagyong Ruby, na nananalasa na sa Kabisayaan, nanatiling maaliwalas ang panahon sa Naic pagsapit ng Disyembre 7.

Masigla ang poblasyon dahil sa mga panindang nasa palibot ng liwasan. Paroo’t parito rin ang mga taong nagsisimba bilang pangingilin sa araw ng Linggo.

Samantala, inilunsad ng Parokya ng Naic ang exhibit ng mga larawan tungkol sa patrona at parokya. Ang mga naka-eksibit na larawan ay hango sa ilulunsad na aklat ng Simbahan, ang “In Celebratio Fidei: The Parish of the Immaculate Conception and the People of Naic.” Matutunghayan sa simbahan ang eksibit hanggang sa ika-10 ng Disyembre, na binuksan noong ika-4.

Ang exhibit na binuksan ng Simbahan.

Ang exhibit na binuksan ng Simbahan.

Matapos ang huling misa, isang mahabang prusisyon ang isinagawa sa Parokya ng Naic. Tampok sa prusisyon ang imahe ng mga patron ng bawat kapilyang nasasakupan ng Parokya. Sakop ng Parokya ng Naic ang mga Simbahan na matatagpuan sa Timalan Concepcion, Timalan Balsahan, Munting Mapino, Latoria, Bucana Sasahan, Ibayo Silangan, Ibayo Estacion, Gombalza, Capt. C. Nazareno, Santulan, Kanluran, Makina, Humbac at Balsahan.

Bukod sa mga baryong sakop ng Parokya ng Naic, nagdiriwang din ng kapistahan para sa Inmaculada Concepcion ang Sapa na sakop ng Parokya ng Sto. Niño de Bancaan. Bandang hapon nang nagpalaro ng palosebo ang Baranggay sa tapat ng Sapa Cemetery bilang kasiyahan sa bisperas ng fiesta.

(Tunghayan ang mga larawang kuha sa Naic Town Fiesta 2014)

Bilang pangwakas na gawain sa bisperas, idinaos ng pamahalaang lokal ang isang singing contest kinagabihan. Dinagsa ng mga tao ang plaza ng Naic upang saksihan ang timpalak sa awitan na tinawag bilang “The Voice Kids – Naic 2014.” Nilahukan ng 15 mga bata ang patimpalak na una nang nag-audition sa Munisipyo. Mula ang mga kalahok sa iba’t ibang baranggay ng bayan. Pasado hatinggabi na nang matapos ang paligsahan kung saan nagwagi si Aljon Baltazar ng Lontoc, Timalan Balsahan.

Tagpo sa The Voice Kids - Naic.

Tagpo sa The Voice Kids – Naic.

Araw ng Fiesta

Sa maraming pagkakataon ay ipinaalala ng Simbahan na bago umano ang “mesa” upang makisalo sa handaan ay “misa” muna tuwing fiesta. Sa inilabas na iskedyul ng Parokya ng Naic, sunud-sunod na misa ang itinakda ngayong araw: 4:30 AM, 5:30 AM, 6:30 AM, 7:30 AM, 8:30 AM, 9:30 AM, 12:00 NN, 2:00 PM, 4:00 PM, 5:00 PM at 6:00 PM. May binyagan sa 10:00 AM, at prusisyon sa 7:00 PM.

Samantala, naramdaman ng Naic ang lumalapit na bagyo pagsapit ng 2:30 AM sa pamamagitan ng manaka-nakang paghangin.

Ginising ng mga banda musiko ang Naic matapos ang pagtugtog nito sa kabayanan mula pa sa umaga. Sa kabila ng mga pag-uulan, patuloy ang ilang banda musiko sa paglilibot sa bayan. Hatid nila ang sigla at paalala upang magsaya sa fiesta, sa gitna ng masungit na panahon.

Tagpo sa liwasan, hapon ng fiesta.

Tagpo sa liwasan, hapon ng fiesta.

Hindi naman napigil ng bagyo ang paghahanda ng mga taga-Naic. Kinagawian na ng mga Naicqueño ang paghahanda tuwing araw ng fiesta. Tanda umano ito ng pasasalamat sa masaganang pamumuhay na nakamtan mula sa Diyos, sa pamamagitan at tulong ng patrona, Inmaculada Concepcion. Ang mga pagkaing inihahanda ng mga taga-Naic ang siya namang pinagsasaluhan ng mga bisitang dumadalaw.

Patuloy ang masiglang galaw ng mga tao sa poblasyon sa kabila ng maulang araw bunsod ng bagyong Ruby. Payong ang pangunahing gamit ng mga taong nagsimba at namili sa baratilyong itinindig sa palibot ng plaza. Bagaman marami ang tao sa lugar, kapuna-punang hindi ito kasingdami ng sa mga nagdaang taon na hindi mahulugang karayom. Mangilan-ngilan lamang din ang mga matutunghayang nagpaparoo’t parito sa mga pangunahing kalye ng bayan.

Isang salu-salo sa araw ng fiesta.

Isang salu-salo sa araw ng fiesta.

Nakanselang mga gawain

Sa mga misa kahapon, kinilala ni Fr. Virgilio Mendoza, kura ng Parokya ng Naic, ang bisa ng pananalangin sa panahon ng unos. Sa sama-sama umanong pagdarasal ng buong sambayanan, nabawasan ang lakas ng bagyong Ruby. Gayong mapaminsala pa rin ang bagyo, patuloy na hinikayat ng kura ang Naic na humingi ng tulong sa pananalangin sa patronang Inmaculada Concepcion, na siya ring patrona ng buong bansa.

Sa kabila ng mga paghahanda sa fiesta, naghanda rin umano ang pamahalaang lokal para sa bagyo. Ilang araw na umanong nakikipag-ugnayan ang pamahalaang bayan sa pamahalaang panlalawigan hinggil sa bagyong Ruby, sa pamamagitan ng Environmental Protection and Operations Division o EPOD.

Iniulat ng TV Patrol ang pagkansela ng Naic sa mga gawain nitong kaugnay sa fiesta, dahil kay bagyong Ruby.

Iniulat ng TV Patrol ang pagkansela ng Naic sa mga gawain nitong kaugnay sa fiesta, dahil kay bagyong Ruby.

Sa pangunguna umano ni Municipal Administrator Rosalito Senia, nakaalerto na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng kapulisan at coast guard. Inihanda rin ang mga gamit pang-rescue gaya ng mga bangka, trak at ambulansya.

Umabot sa signal number 3 ang babala ng bagyo sa Cavite, alas-onse ng gabi kagabi. Sinasabing ibinaba ang babala sa bilang 2 ngayon. Kapansin-pansin ang paglaki ng mga alon sa dagat-Naic kung kaya nagsipaghanda na rin ang mga baryong kostal. Mabilis ang agos ng mga ilog sa buong bayan.

Kinagabihan, inihayag ng Parokya ng Naic ang pagkansela nito sa prusisyon ngayong gabi. Ayon sa kanilang paskil sa Facebook, “Due to Unfortunate Weather Situations the 7:00PM Procession tonight will be Cancelled. Stay Safe Everyone! Masses however would still proceed on its regular Fiesta Schedule.”

Iniulat naman sa TV Patrol ng ABS-CBN ang kanselasyon ng fireworks display at musical variety show na handog sana ng pamahalaang lokal. Ayon sa balitaan, bahagi umano ito ng pag-iingat ng Naic gayong inaasahang sa Cavite lalabas ang bagyong Ruby.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s