Naic stories make national headlines in 2014

Sa halos buong taon, maya’t mayang naging laman ng balitaan sa radyo, pahayagan at telebisyon ang Naic. Bumandera ang bayan hindi lamang sa mga pambansang balitaan kung hindi hanggang sa mga internasyonal na palatuntunan. Sa pagkakataong ito, muli nating sariwain ang mga kwentong humubog sa kasaysayang lokal, na karamihan ay inihatid mismo ng mga kilalang personalidad sa larangan ng balitaan.

Pawikan Festival
Enero nang itampok sa programang Unang Hirit ng GMA ang pagdiriwang ng Pawikan Festival sa Naic. Nasa 200 bagong pisang pawikan ang pinakawalan ng mga taga-Naic sa naturang palatuntunan. Iniulat din ito sa ibang balitaan ng GMA News, gaya sa News to Go ng News TV Channel 11.

Malainen Luma Rape-Murder Case
Enero nang bumandera sa buong bansa ang karumal-dumal na sinapit ng batang si Cheska Katibayan Santos, 10 taong gulang. Naging laman ng halos lahat ng pahayagan at balitaan sa radyo at telebisyon ang panggagahasa at pagpatay sa batang taga-Malainen Luma. Sabay na naging pangunahing balita ng TV Patrol sa ABS-CBN at 24 Oras sa GMA News, maging sa TV 5, ang ukol sa krimen. Isang hiwalay na pagtatanghal pa ng programang “Imbestigador” ng GMA 7 ang inilaan ukol sa kasong ito. Mga taga-Malainen Luma rin umano ang mga suspek.

Grand Central Terminal
Enero nang umani ng kabi-kabilang puna at reklamo ang dry run operation ng grand central terminal ng Naic sa Ibayo Silangan. Sa pamamagitan ng Facebook, nakalap ng Naic Cavite Online (NCO) ang iba’t ibang damdamin at opinyon ng bayan ukol sa proyekto. Sa pakikipag-ugnayan ng NCO, sinagot ng pamahalaang lokal ang mga isyung kinaharap nito bunsod ng paunang implementasyon ng central terminal. [Read Story]

Pagbabago sa Konseho
Pebrero ng kumalat ang balitang nag-resign sa pagka-konsehal ng bayan si Dra. Eva Arenas at nanumpa naman bilang kanyang kapalit si Atty. Erwin Cuartero. [Read Story]

Salabay
Marso nang itampok sa programang Kapuso Mo Jessica Soho ng GMA ang libu-libong salabay sa Naic. Ayon sa programa, palatandaan ang mga salabay kung gaano kadumi ang isang dagat. [View Related Site]

Banggaan sa Dagat
Marso nang magbanggaan sa katubigang Cavite ang dalawang sasakyang pandagat, sanhi upang lumubog ang F/B Dan Israel. Hindi bababa sa apat ang namatay sa pangyayari, kung saan ang bawat usad ng balita ay inantabayanan ng mainstream media at otoridad sa pampang-Naic. Apat sa mga namatay ang inilibing sa Naic. [Read Story]

Water Filtration Plant Project
Abril nang ihinto ang proyektong water filtration plant sa Indang. Sa mga nakalipas na buwan, mainit na nag-rally ang mga taga-Indang at Naic gayong maaapektuhan umano ng proyekto ang suplay ng tubig sa Indang at patubig sa mga sakahan sa Naic. [Watch News]

Poong Nazareno
Abril nang tahimik na dumating sa Munting Mapino ang imahe ng Poong Nazareno ng Quiapo. Tuwing anibersaryo, tradisyon na umanong paliguan ang imahe ng poon sa dagat, at Naic ang napili ngayong taon upang isagawa ito. Dinagsa ng mga debotong taga-Naic ang imahe ng poon. [Read Story]

Araw ng Naic
Abril-Mayo nang muli pa ay masigla at maulay na ginunita ng Naic ang pagkakatatag nito bilang bayan. Bahagi ng mga gawain ang street dancing, exhibit, at pagbuhay sa “Sunduan” sa Naic. [Read Story] [View Pictures]

Bihisaka Festival
Mayo nang itanghal sa programang Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN ang mga bahagi ng Bihisaka Festival sa Parokya ng San Isidro Labrador. Tampok sa pagdiriwang ang mga kalabaw na binihisan kasama ang ilang ani sa mga baryong sakop ng parokya. Ipinakita rin sa telebisyon ang ilang kakaning lokal gaya ng sapin-sapin, bibingka at palutang. Ito ang ika-apat na taon ng festival bilang pagpaparangal kay San Isidro Labrador. [Read Story] [View Pictures]

Basaan sa Fun Run
Hunyo, sa layong mabigyan ng scholarship ang ilang kabataang Naicqueño, isang fun run ang inilunsad ng liga ng mga baranggay kasabay ng kapistahan ni San Juan. Nagsaya ang bayan nang ang takbuhan at haluan ng walang humpay na basaan. [Read Story] [View Pictures]

Crop Museum
Hulyo nang muling magsahimpapawid ang Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN mula sa San Roque. Partikular na itinampok sa programa ang crop museum ng San Roque Elementary School. Kaugnay ito ng proyektong “Gulayan sa Paaralan” ng Department of Education. Sa pamamagitan ng gulayan, nagkakaroon ng pinagkukunang sangkap ang mga paaralan para sa feeding program nito sa mga mag-aaral. [Read Story]

Bagyong Glenda
Hulyo nang matapos ang may sampung oras nang umaalulong at nagngangalit na hanging dala ng bagyong Glenda sa Naic, naiwan ang buong bayan na halos paralisado. [Read Story] [View Pictures]

150th Anniversary ng “Urbana at Feliza”
Setyembre nang magkakatuwang ang pamahalaang lokal ng Naic, Parokya ng Naic, at Far Eastern University (FEU) Manila sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng librong Urbana at Feliza. Ang naturang aklat ay tinapos sa Naic ng dating kura na si Fr. Modesto de Castro. [Read Story] [View Pictures]

Sagip-Unggoy
Oktubre nang isang taga-Naic ang tumawag kay Doc Nielsen Donato upang masagip ang isang ligaw na unggoy sa Naic. Tumugon ang doctor ng programang Born to be Wild ng GMA 7.

Sex Trade
Oktubre nang iulat ng 24 Oras ng GMA 7 ang ukol sa pitong babaeng nasagip umano sa Naic mula sa sex trade.

Vice President Binay
Nobyembre nang nagbigay ng kanyang mensahe sa Naic si Vice President Binay matapos bumisita sa San Roque. Kabilang sa mga kasama niya sina Governor Jonvic Remulla, Vice Governor Jolo Revilla, dating Manila Mayor Lito Atienza at Mayor Jun Dualan. Hindi magkamayaw ang mga naroroon na kani-kanyang sigaw, palakpak at palitrato sa mga pulitiko. Si Gov. Remulla ang kasalukuyang Spokesman for Political Affairs ng bise presidente. Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Gov. Remulla na hindi pangangampanya ang ginagawa ni VP Binay kung hindi bahagi lamang ng karaniwang mga aktibidad na ginagawa na ng bise presidente noon pa mang 2010. [Read Story]

Aksidente sa Bangin
Nobyembre nang maging laman ng balitaan ang tungkol sa pagkakahulog ng 6×6 truck sa may 50-talampakang bangin sa Ternate. Sa mga unang ulat, patay ang tatlong sundalo ng Philippine Marines na sakay nito, kasama ang di umano ay sibilyang driver. Lima ang sugatan. Isinugod sa ospital sa Naic ang mga biktima.

marino

Banta ng Ebola
Nobyembre nang magbalik-bansa ang 133 Pinoy peacekeepers na nagmula sa Liberia. Upang matiyak na hindi nahawahan ng ebola virus mula sa Liberia, ni-quarantine sila ng 21 araw sa Caballo Island. Tinukoy sa maraming balitaan sa radyo, dyaryo at telebisyon na ang Caballo Island ay sakop ng Naic.

Binagyong Fiesta
Disyembre nang mag-ulat ang TV Patrol mula sa Naic hinggil sa kanselasyon ng mga gawaing pamfiesta dahil sa pagdaan ng bagyong Ruby. May kagaya ring pag-uulat sa ABS-CBN News Channel o ANC. [Watch News] [View Pictures]

The Amazing Race
Disyembre nang tinatayang mahigit anim na milyong tao sa buong mundo ang agad na nakapanood ng The Amazing Race episode ng CBS sa Amerika. Nag-araro ang mga kalahok ng race sa Naic at tinanggap pa sila ng magsasakang si Kakang Enteng Catibayan. [Read Story]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s