Brief History of Naic Civilization: 321 Years of Transformation

Sa loob ng mahabang panahon ay nasaksihan at dinanas ng Naic ang iba’t ibang pagbabago at transpormasyon.

Isang lumang larawang kuha sa Poblasyon ng Naic. Matutunghayan ang sinaunang plaza kung saan naroroon ang entabladong tinatawag na “kiosko.”

Taong 1693 nang gawin ng mga prayleng asyenda ng mga tubo at palay ang Naic, na noon ay isa lamang baryo. Pinangasiwaan at pinagmay-arian ng mga pribadong sektor at indibidwal ang buong asyenda sa mahabang panahon. Nahati ang baryo sa mga nayon na noong 1782 ay binubuo ng tatlo: ang Balete, Malamig na Tubig, at Barra (ipinagpapalagay na bahagi ngayon ng Ternate). Isang sityo ang umusbong sa bahagi ng Muzon na itinuturing na kabisera ng buong baryo noon.

Isang tagpo sa sakahang sakop ng Labac.

Isang tagpo sa sakahang sakop ng Labac.

Sa pagdami ng populasyong taal mula sa mga bayan ng Maragondon at San Francisco de Malabon (Gen. Trias ngayon) ay ganap nang itinalagang bayan ang Naic noong 1791. Sa kalapitan ng Muzon sa poblasyon ng Maragondon, napagpasyahang ilipat sa hilagang silangan ang kabayanan noong 1798, at ito na ang kasalukuyang poblasyon.

Mahigit 200 taon na ang nakalilipas, inilalarawan ang kasalukuyang poblasyon bilang maburol, magubat at masukal. Nagligaw rito ang mababangis na usa at baboy-ramo. Walang ibang maririnig sa lugar kundi ang alulong at kaluskos ng mga hayop.

Mula Muzon, mahihinuhang naganap ang isa sa mga pinakamalalaking bayanihan sa Naic. Binaklas ang mga kabahayan at kagamitan, maging ang kauna-unahang simbahan, upang buhatin ng buong bayan tungo sa kinalalagyan ng poblasyon sa kasalukuyan.

Gamit ang kamay ng mga unang taga-Naic, ginapas at hinawan ang masukal na bayan. Sumilang ang mga unang daang-tao at kalsada. Pinagtibay ang mga bahayan at simbahan sa Naic, at natunghayan sa poblasyon noong ika-18 daantaon ang pagsasabato ng mga naroroong istruktura. Ipinagawa ng Simbahan ang mga dam na pinagmulan ng patubig at bumuhay sa mga lupang sakahan.

Mula sa poblasyon ng Naic, itinindig ang simbolo at luklukan ng kapangyarihan—ang Casa Hacienda de Naic (Naic Elementary School ngayon). Nagsilbi itong himpilan ng mga prayle. Kalapit nito ang napakalaking kamarin o bodega kung saan inilalagak ang libu-libong sako ng mga palay na inaani sa buong asyenda.

313293_263411257103465_1683888700_n

Isang lumang larawang kuha mula sa Balsahan.

Mula sa poblasyon ng Naic, humaba at kumawing ang mga kalsadang nagbubuklod sa buong Naic at mga karatig-bayan. Taong 1837 nang pasimulan ang kalsadang Poblasyong Naic at Labac. Mabilis na ring nararating ang San Roque nang maitatag itong baryo noong 1876. At, bago pa naging bahagi ng Naic ang Timalan ay buhay na rin ang daang Naic-Santa Cruz de Malabon (Tanza ngayon) noong 1891. Patuloy na pinatag ang maraming bahagi ng bayan upang hindi lamang maging daanan ng mga tao, kundi maging ng mga alagang hayop gaya ng kalabaw, baka at kabayo. Ang paglalakbay sa Naic na karaniwang sa pamamagitan lamang ng tubig, sa mga byaheng Balsahan at Bancaan o Sapa at Bucana, umabot na sa tagpong binubuhay na rin ng mga paragos, karitela, at paglaon ay kalesa.

Ang pinag-isang kapangyarihan ng Simbahan at Pamahalaan noong Pananakop ng Espanya ay pinaghiwalay nang sakupin ang Pilipinas ng Amerika. Pinasigla ang mga pampublikong paaralan at ipinakilala ang konsepto ng halalan. Pinaunlad ang sistema ng komunikasyon sa pamamagitan ng paglalagay ng post office sa munisipyo.

Samantala, ang sukdol-lawak na asyenda ng Naic ay ipinamahagi ng pamahalaang kolonyal sa mga magsasaka. Mula noon, dumami sa Naic ang may kakayahang mag may-ari ng mga lupa sa bayan.

Higit pang nagbilis ang daloy ng mga tao at kalakal nang buksan bandang 1906 ang tren na nag-ugnay sa Naic at Paco, Maynila. Sa ganito nabuo ang mga tawag sa Naic na Tramo at Estacion.

149446_222858804492044_5740765_n

Isang tagpo sa halalang bayan noong 2007.

Naantala ang pagsulong ng Naic nang sumiklab ang Ikalwang Digmaang Pandaigdig. Nawasak ang mga tulay, simbahan at ilang establisyamento matapos paulanan ng bomba ang bayan. Nagmistulang ghost town ang Naic matapos itong lisanin ng mga mamamayan.

Mula sa kaguluhan, unti-unting bumangon ang bayan. Matapos ang gyera, tatlo ang itinuturing na mga pangunahing tindahan sa Naic, na pag-aari lahat ng mga Intsik—ang tablerya ng mga Tua, ang mamihan ng mga Chuson, at ang sari-sari ng mga Dy. Kapagdaka ay pinasigla ang pamilihang bayan na tagpuan ng mga nasa matataas na bayan at mabababang bayan ng lalawigan.

Sa serbisyo ng Communication and Electricity Development Authority o CEDA, dumaloy ang kuryente sa Naic. Nagliwanag ang mga bahayang dati ay pinaaandapan lamang ng mga peruk-perok at gasera. Sumilang ang mga negosyo gaya ng bangko sa pagbubukas ng Rural Bank noong 1956; sinehan, sa pagbubukas ng Dalisay Theater noong 1957; bukod pa ang mga lokal na negosyo gaya ng mga patahian, panaderya, botika, klinika at kung anu-ano pa.

Liga ng basketball sa Munting Mapino.

Kaagad na ipinatayo ang Western Cavite Institute (Western Colleges ngayon) noong 1945. Sinundan ito ng Cavite Community Academy noong 1946. Nadagdagan ang mga pribadong paaralan nang itayo ang Immaculate Concepcion School noong 1977. Hindi naman na kinailangang lumayo ng mga taga-Naic na hangad magtapos sa pag-aaral nang maitindig ang pampublikong Cavite School of Fisheries (Cavite State University Naic ngayon) noong 1961. Ilang dekada ang lumipas, pinalawak ang pampublikong edukasyon sa Naic sa pagbubukas ng mga pambansang matataas na paaralan sa iba’t ibang baryo ng bayan gaya sa Halang, Labac, Bucana Sasahan at Sabang.

Ang mga kabataan, na bago pa nahumaling sa mga DOTA at Clash of Clans, ay may mga magulang, lolo at lola na una nang inaliw ng mga larong palosebo, akyatan sa puno, tumbang preso, habulan at taguan. Bago pa ang Facebook at internet ay nagpasabik na noon ang mga pocketbook at komiks na subaybayin at wakasan. Bago pa ang mga 7-11, Jollibee, McDonald’s at Red Ribbon ay binusog na ang Naic ng Choleng’s mamihan at Rochelle’s Restaurant. At, bago pa kuminis at gumanda sa mga filter ng Camera 360 at Instagram ay una nang nariyan ang mga sikat na Jossie’s Beauty Salon at Olga’s Beauty Parlor.

179964_228092183968706_1368690669_n

Pagdiriwang sa Naic ng Araw ng Kalayaan noong 2008.

Ang transpormasyon ng Naic ay mababanaag sa mga pinagdaanan nitong pagbabago sa pananampalataya, pulitika, heograpiya, kalakalan, komunikasyon, transportasyon, edukasyon, kultura, at mga mamamayan.

Ang sulyap na ito sa 321 taon ng mga pagbabagong sinuong ng Naic ay palatandaan lamang na sumisigla at nagbabago tungo sa pagsulong ang bayan.

Sources:
Cavite Studies Center Archive
Naic Cavite Online Archive

8 thoughts on “Brief History of Naic Civilization: 321 Years of Transformation

  1. Kulang ang impormasyon…d nio man lang binangit ang mga unang panaderya ng naik…napakalaki kaya ng naitulong namin sa bayan ng naik…kung wala kami nunca kayo makatikim ng mga tinapay sa buong buhay nio….tuldok.

    • magandang araw po. ang sulatin pong ito ay sulyap lamang sa mahabang kwento ng ating kasaysayan. ipagpaumanhin po ninyo kung kulang para sa inyo ang aming paglalahad. ikagagalak po naming marinig o malaman ang inyong kwento sa larangan ng pagtitinapay upang ganap na maisama sa salaysay. aasahan po namin ang inyong kwento, sama-sama po nating buuin ang ating kasaysayan. salamat po.

  2. bago pa mauso ang digital cam at posting sa twiitter, IG , Fb at iba pa ng mga larawan e wag nating kalimutan isali ang photo studio of Waway and Polido.🙂

    • Thanks a lot for the info it helps a lot for my pupils regarding the history and old structure of Naic…God bless po sa nagsaayos na mabuo ito…sa mga nagdaragdag pa po ng impormasyon Marami rin pong salamat…

  3. Electrification of Naic did not start in 1946 by CEDA. There was already electricity before the war broke out in 1941. Meralco was there already as evidence of the still existing meralco post made of steel and ladder welded in it. You can still see a few in pelaez st. and socony inf ront of the Jocson residence in kalye mayor or now capt nazareno. After the WWII the Active Freemasons of Mount Mainam Lodge invested in a Diesel Generator to electrify the poblacion only. Service is from 6pm to 1200PM . There was already Karihan ni Aling Edad at the corner of the market going down to balsahan and the mongo and sarsaparilla refreshment parlor owned by the Velasco family.. I would like to help your outstanding undertaking of history of Naic. It would be more realistic if you check your sources before publising yor documentary. There are still older people of 80

    • Thank you very much Mr. Garcia. Your comment is well appreciated. We are excited about your offer to help us in having a more accurate account of our local history. Please help us know how to contact you (if you are in the Philippines), or a private conversation at least (through social media if your out of the country)…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s