Bishop Evangelista concelebrates special mass as part of pastoral visit to Naic

Inikot at nakipanayam ang Obispo ng Diyosesis ng Imus sa Parokya ng Naic.

Si Bishop Reynaldo Evangelista habang dumadalaw sa Parokya ng Naic.

Si Bishop Reynaldo Evangelista habang dumadalaw sa Parokya ng Naic.

Sinalubong ng Parokya ng Naic si Most Rev. Reynaldo Evangelista, Obispo ng Diyosesis ng Imus, nang dumating ito sa may Timalan Lontoc. Dito nagsimula ang pagdalaw at pag-iikot ng Obispo sa parokya. Sa pamamagitan ng isang motorcade, pumasok sa loob ng Timalan ang Obispo at nangumusta sa mga nadaanang parokyano. Humantong ang motorcade sa poblasyon.

Ang sambayanan ng Naic habang inihahatid si Bishop Evangelista patungong simbahan ng Naic.

Ang sambayanan ng Naic habang inihahatid si Bishop Evangelista patungong simbahan ng Naic.

Bumaba ang Obispo sa panulukan ng Pascual Poblete Street at Capt. Ciriaco Nazareno Street. Mula roon, sinalubong siya ng banda musiko at inihatid ng sambayanan at mga sakristan habang pinagpupugayan ng Knights of Columbus. Sinalubong naman si Bishop Evangelista ni Fr. Virgilio Mendoza, kura-paroko, pagsapit sa loob ng simbahan.

Habang pumapasok palapit sa altar, binasbasan ng Banal na Tubig ni Bishop Evangelista ang sambayanang pumuno sa simbahan. Makalipas ang ilang saglit, nagsimula na ang Banal na Misa.

Binabasbasan ni Bishop Evangelista ang mga dumalo sa misa sa kanyang pagdalaw sa Parokya ng Naic.

Binabasbasan ni Bishop Evangelista ang mga dumalo sa misa sa kanyang pagdalaw sa Parokya ng Naic.

Kasama sina Fr. Randy de Jesus at Fr. Bernie Gacelo, pinangunahan ni Bishop Evangelista ang misa. Ayon sa Obispo, isinasagawa niya ang visita pastoral dahil “tungkulin ko po na makilala kayo bilang aking kawang pinaglilingkuran.” Ang pagmamalasakit umano na ipinamamalas at ibinibigay ng mga pari at obispo sa sambayanan ay kinakailangang larawan ng pagmamalasakit ng Diyos. Ganito rin umano ang inilalarawan ng pagmamalasakit ni Pope Francis na nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na linggo. Sa paglawig ng homilya ng Obispo, sinabi niyang ang ating Diyos ay laging nagmamahal para sa atin. Hangad Niya lagi ang ating kabutihan at pag-unlad. Sa pagmamalasakit umano ng Diyos, dapat umanong alisin natin ang pangamba sa ating mga puso.

Si Mayor Junio Dualan habang nag-aalay sa misang kinonselebra ni Bishop Evangelista sa Naic.

Si Mayor Junio Dualan habang nag-aalay sa misang kinonselebra ni Bishop Evangelista sa Naic.

Ang homilya ay sinundan ng Pagsusugo sa mga Ministrong Layko. Nag-alay din ang sambayanan, kasama maging ang mga pinuno ng bayan sa pangunguna nina Vcice Mayor Rodrigo Castillo at Mayor Junio Dualan.

Bago tuluyang natapos ang misa, inawit ang kantang alay ng Naic para kay Bishop Evangelista. Isinulat ito ni Fr. de Jesus at nilapatan ng musika ni Bro. Ned Nazareno.

Pagsusugo sa mga Ministrong Layko.

Pagsusugo sa mga Ministrong Layko.

Bahagi ng pagdalaw ng Obispo ay ang higit pang pagkilala sa parokya. Nakipanayam siya at nakihalubilo sa mga opisyal ng mga samahang pansimbahan, sa mga nasa bilangguan sa Latoria, at sa mga batang tumatanggap ng feeding program sa Bucana Sasahan. Bahagi rin umano ng sadya ng pagdalaw ng Obispo ang sementeryo ng Simbahan.

Ang pagsalubong ng Naic kay Obispo Evangelista.

Ang pagsalubong ng Naic kay Obispo Evangelista.

Sinasabing ang ganitong pagdalaw ng obispo sa Parokya ng Naic ay huling naganap ilang dekada na ang nakalilipas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s