Naicqueños follow Pope Francis in his 5-day Philippine visit

Kaisa ang milyun-milyong Pilipino, sumalubong at nakiisa sa iba’t ibang gawaing banal ang mga taga-Naic nang dumalaw ang Santo Papa sa Pilipinas.

Ang larawang ito ay kuha ng Naic Cavite Online nang maglibot ang popemobile matapos ang misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand.

Ang larawang ito ay kuha ng Naic Cavite Online nang maglibot ang popemobile matapos ang misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand.

Paghahanda sa Pagdating ng Santo Papa

Ilang araw bago pa ang pagdating, kinansela na ang mga pasok sa eskwela at trabaho sa Kamaynilaan sa mga araw na nasa Pilipinas si Pope Francis. Ito ay upang matiyak ang maayos na seguridad ng Santo Papa, at nang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na subaybayan at makilahok sa mga gawain ni Pope Francis.

Pagsapit ng Enero 13, Martes, sinuspinde na rin ng Kapitolyo ng Cavite ang pasok sa lahat ng antas ng mga paaralan para sa paparating na Huwebes at Biyernes. Huwebes, Enero 15, ang dating ni Pope Francis sa Pilipinas. Sa mensahe ni Gov. Jonvic Remulla, sinabi niyang “I encourage everyone to spend this time in renewing our faith and praying for our country.”

Ang Pagdating ng Santo Papa

Laman ng mga balitaan sa radyo at telebisyon ang papalapit nang papalapit na pagdating ni Pope Francis. Hapon ng Huwebes nang patungong Maynila ang taga-Naic na si Justin Unas Paras nang mapakinggan sa radyo na nasa bandang himpapawid na ng Naic ang SriLankan Airlines, flight ALK 4111, sa Villamor Air Base. Lulan nito ang Santo Papa na nagmula sa Sri Lanka. Saglit na bumaba sa kanyang sasakyan si Paras at naglitrato kasama ang eroplano. Walang ibang eroplanong pinahihintulutang lumipad nang mga sandaling iyon kundi ang sinasakyan ni Pope Francis.

Ang sinakyang eroplano ni Pope Francis nang dumating siya sa Pilipinas.

Ang sinakyang eroplano ni Pope Francis nang dumating siya sa Pilipinas.

Lumapag sa Pilipinas ang eroplanong sinasakyan ni Pope Francis bandang 5:32 PM. Sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas, pinatunog ang mga kampana sa tatlong parokyang nasa Naic. Pinalitan pa ang lubid ng maliit na kampanang ginagamit sa Parokya ng Sto. Niño de Bancaan. Pinatunog din ang tatlong kampana sa Parokya ng San Isidro Labrador sa baryo ng San Roque. Kabilang din sa pinatutunog ang kaisa-isang kampanang buo at gumagana sa Parokya ng Inmaculada Concepcion. Kasabay ng pagkampana sa mga simbahan sa Naic ay ang pagkampana rin sa lahat ng simbahan sa buong Pilipinas. Bukod sa hudyat ng pagdating, tanda rin umano ito ng pagtanggap ng sambayanang Pilipino sa Santo Papa.

Mensahe ng Diyosesis at Parokya sa Pagdating ng Santo Papa

Mabilis na nagpalabas ng mensahe ang Diyosesis ng Imus sa pagdating ni Pope Francis. May pagbati at panawagan si Most Rev. Reynaldo Evangelista, Bishop ng Diyosesis ng Imus, para sa sambayanan. Nakatanggap ang Naic Cavite Online ng naturang mensahe sa pamamagitan ni Fr. Virgilio Mendoza, kura ng Parokya ng Naic. Sumusunod ang mensahe na ipinanawagang ipaalam pa sa iba: “We thank God for the Apostolic Visit of the Holy Father Pope Francis. Please continue encouraging our faithful to attend the Mass at Quirino Grandstand on Sunday. It is open to everybody. Ang ating diyosesis ay isa sa malalapit na diyosesis sa Maynila. Sana ay marami sa ating mananampalataya ang makapunta sa Luneta sa Linggo. It will entail a lot of sacrifice but God will surely reward us for all our offerings to Him. God bless our country and the whole Universal Church.”

Ang standee ni Pope Francis sa Parokya ng San Isidro Labrador.

Ang standee ni Pope Francis sa Parokya ng San Isidro Labrador.

Samantala, isang araw bago ang pagdating ni Pope Francis, may mensahe ang Parokya ng San Isidro Labrador para sa mga hindi makakayang makarating sa mga gawaing pangungunahan ng Santo Papa. Sa homilya ni Fr. Orlando Jimenez, kura ng Parokya ng San Isidro Labrador, inilarawan niyang marami ang nagnanais na matunghayan o masulyapan man lamang ang Santo Papa sa pagdating nito sa Pilipinas. Maituturing umanong natatanging karanasan kung makakabahagi sa alinman sa mga gawaing may kaugnayan sa pagbisita ni Pope Francis.

Bagaman isa umano si Fr. Jimenez sa naanyayahang makipagdiwang ng Banal na Misa sa Quirino Grandstand sa Linggo, minabuti niyang manatili na lamang sa Parokya lalo at magdiriwang ang Halang ng kapistahan ng Sto. Niño kasabay ng naturang misa sa Linggo.

Sa paglawig ng homilya, sinabi ni Fr. Jimenez na bagaman isang mapagpalang karanasan ang personal na pagdalo at pakikiisa sa mga gawain ng Santo Papa, ang lahat naman umano ay may magagawa upang maging matagumpay ang pagdalaw. Para sa mga hindi makakayang makadalo ng personal para sa Santo Papa, sapat na umano ang panalangin ng bawat isa para kay Pope Francis. Malaking ambag umano ang pananalangin ng bawat isa upang maging ligtas si Pope Francis sa pagdalaw sa bansa, upang mapanatili ang kaayusan ng mga makikilahok sa mga gawain, at upang maging mapayapa at banal ang lahat sa mga araw na nasa Pilipinas ang Santo Papa.

Unang Sulyap kay Pope Francis

Kabilang sa tinatayang isang milyong tao na sumalubong sa pagdating ni Pope Francis ay ilang taga-Naic.

Kani-kanyang punta ang mga taga-Naic at kani-kanyang hanap ng mapupwestuhan sa rutang dadaanan ng Santo Papa mula airport patungong Apostolic Nunciature sa Quirino-Taft, Maynila.

Ayon kay G. Eddieboy Repil, mananampalataya mula sa Parokya ng Inmaculada Concepcion, “Nakakakilabot pag nakita nyo ang pope sa personal hay ang saya ng mga tao kahit nakalampas na masaya pa din.”

Pinangunahan naman ni Fr. Nico Tagulao, kura, ang Parokya ng Sto. Niño de Bancaan sa pagsalubong kay Pope Francis. Ayon sa kasama ni Fr. Tagulao mula sa parokya na si Gng. Loreta Perea, “Parang saglit lang ang oras ng paghihintay, di kami nainip. Upo sa lapag ng daan, tindig, upo… ayun sulit naman. Umuwi kami na masaya, blessed at nabigyan ng Diyos ng opportunity na makita ang Santo Papa.”

Unang sulyap ng sambayanan kay Pope Francis nang dumating siya sa Pilipinas.

Unang sulyap ng sambayanan kay Pope Francis nang dumating siya sa Pilipinas.

Samantala, nakuhanan naman ng larawan ni Marianne Tapawan, mananampalataya mula sa Parokya ng San Isidro Labrador ang pagdaan ng Santo Papa. Ayon sa kanya, “Mixed emotions. Talagang nanginginig ako kaya blurred lahat ng kuha. ‘Yan na ‘yung pinakamaayos. Basta kakaibang experience po yung makita ng personal ang Pope kahit hindi kami ganun kalapit sa kanya.”

Mga Taga-Naic na Bantay ng Santo Papa sa Kamaynilaan

Kabilang sa libu-libong itinalaga sa Kamaynilaan upang magbantay sa seguridad ng Santo Papa ay ilang taga-Naic. Kasama sa mga naitalagang magbantay sa Santo Papa ay mga taga-Naic na pulis. May ipinadala sa Maynila ang kapulisan ng mismong Naic, habang may mga naroon ding taga-Naic na pulis na assigned naman sa ibang lugar.

Enero 11 pa nagsitungo sa Maynila ang mga pulis upang mapaghandaan ang pagka-crowd control sa mga sandaling nasa Maynila si Pope Francis. Tumuloy sila sa Cuneta Astrodome hanggang sa Enero 20, isang araw makaalis ang Santo Papa.

[Tunghayan ang Facebook album ng Naic Cavite Online ukol sa kwento ng mga taga-Naic sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas]

Ayon kay Angel Pangilinan, pulis at isa sa mga taga-Naic na nagbabantay para sa seguridad ng Santo Papa, mahirap ang kanilang dinaranas upang matiyak ang kaayusan sa pagdalaw ni Pope Francis. Sa kabila nito, naramdaman umano niya ang pagpapala lalo na nang makita na niya si Pope Francis.

Kabilang ang ilang mga taga-Naic na pulis sa pagbabantay para sa seguridad ni Pope Francis.

Kabilang ang ilang mga taga-Naic na pulis sa pagbabantay para sa seguridad ni Pope Francis.

Ayon sa isa pang taga-Naic na pulis, si Caloy Mendoza, “maligaya po ako bilang isa sa mga libong pulis na nagbantay sa pagdating ni Pope Francis. Kahit na ilang oras kami nakatayo at bilad sa arawan, nang makita ko si Pope Francis, bigla pong napawi ang pagod sa aming lahat.”

Sa isang kwentong ipinaskil sa Facebook account ni Ephraim Binato, isa ring pulis at taga-Naic, makapanindig balahibo umano nang huminto ang Santo Papa sa kanyang harapan at hinalikan ang ilang bata. Hindi rin umano niya maipaliwanag kung papaano niya nagawang bantayan ang napakaraming tao sa harap niya habang dumaraan si Pope Francis.

Ikalwang Araw ng Santo Papa sa Pilipinas

Matapos ang courtesy call ni Pope Francis kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang, at ang misa sa Manila Cathedral, inabangan naman ang pagtungo ng Santo Papa sa Mall of Asia Arena. Nakatakdang pangunahan ni Pope Francis sa arena ang isang “Encounter with the Families.”

Sa motorcade ni Pope Francis patungong Mall of Asia, dumami pa ang bilang ng mga taga-Naic na naghintay sa mga rutang dinaanan ng Santo Papa. May mga taga-Naic ring bumiyahe patungong Kamaynilaan upang makadalo rin sa pulong sa arena.

Si Pope Francis habang nagmo-motorcade sa bahagi ng Mall of Asia.

Si Pope Francis habang nagmo-motorcade sa bahagi ng Mall of Asia.

Kabilang sa mga naghintay sa motorcade ni Pope Francis ay mga kabataan at magkakamag-anak mula sa Parokya ng Sto. Niño de Bancaan. Sa kwento ni Charles James Omar Reyes, taga-Bucana Malaki, napawi umano ang pagod sa limang oras nilang paghihintay nang makita na nila si Pope Francis. Naramdaman umano niya ang presensya ng Diyos sa katauhan ng Santo Papa.

Samantala, kasama ang iba’t ibang Catholic Schools, kabilang ang isang taga-Naic na nag-aaral sa De La Salle University na nakasulyap din kay Pope Francis sa motorcade nito. Tugon ito sa panawagang magbuo ng mga human barricade sa bawat dadaanan ng Santo Papa. Naglakad ang mga taga-La Salle mula sa paaralan sa Taft hanggang sa Blue Wave malapit sa Mall of Asia Arena. Natunghayan doon si Pope Francis papunta at paalis sa arena. Namahagi ang ilang estudyante ng La Salle ng pagkain at inumin sa mga pulis na nagbabantay sa Santo Papa. Ayon sa taga-Naic na nag-aaral sa La Salle, tunay na isang sugo ng Diyos ang Santo Papa, na sa simpleng presensya at mga ngiti nito ay mararamdaman talaga ang kapayapaang hatid ng Panginoon.

Bagaman nag-iisa ay buo naman ang loob ng kabataang si Ralph Victor Romano nang magtungo siya sa Maynila upang makita si Pope Francis. Ilang oras siyang naghintay sa pagdaan ng Santo Papa sa may Mall of Asia noong Biyernes. Ayon kay Romano, “nawala ang aking pagod at lungkot sa pag-abang nang makita ko si Pope Francis sa harapan ko papunta at paguwi mula sa kanyang misa sa MOA Arena. Hindi ko maintindihan kung bakit ako kinilabutan sa tuwing pinapanood si Pope na dumadaan sa milyun-milyong taong nakahalera sa daanan, siguro dahil sa sabik akong makita siya.”

Tagpo sa isinagawang "Encounter with the Families" ni Pope Francis sa MOA Arena.

Tagpo sa isinagawang “Encounter with the Families” ni Pope Francis sa MOA Arena.

Isa naman ang taga-Naic na si Drex Legaspi sa mga opisyal na kinatawan ng Diyosesis ng Imus sa ginanap na “Encounter with the Families.” Sa paninilay ni Legaspi sa daloy ng pulong kasama ang Santo Papa, sinabi niyang hamon para sa atin ang pagbisita ni Pope Francis upang higit pang maging mabuti. Napagtanto umano niya ang kahalagahan ng pamilya batay naman sa mensahe ng Santo Papa.

Dumalo rin sa “Encounter with the Families” ang nagbalikbayang taga-Naic na sina G. Alberto “Elvie” Suzara. Pinanood nina G. Suzara ang mga kaganapan sa SM Mall of Asia Arena sa sinehan ng naturang mall. Itinuturing na pagpapala, nakapangingilabot umano, ayon kay G. Suzara, ang mga patotoong buhay ng mga nagsalitang pamilya. Ayon pa sa kanya, “Napakaganda at puspos ng ligayang welcome home ang aming nararamdaman! Mabuhay ang banal na Santo Papa!”

Taga-Naic sa Papal Visit sa Leyte

Ginugol ng Santo Papa sa Leyte ang ikatlong araw ng kanyang pagbisita sa Pilipinas.

Kabilang ang taga-Naic na si Gilvis Maralang, Coast Guard, sa libu-libong alagad ng batas na itinalaga sa Leyte upang tiyakin ang kaayusan ng papal visit doon. Ilang araw nang nasa Tacloban si Maralang upang makiisa sa paghahanda sa lugar.

Kasama pa si Maralang sa inspeksyong isinagawa sa Tacloban, kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, lalo at nagbabanta ang bagyong Amang sa Visayas kasabay ng pagtigil doon ni Pope Francis.

Tagpo sa inspeksyong isinagawa sa Tacloban bago dumating ang Santo Papa. Isang taga-Naic ang bahagi ng mga nagbantay para kay Pope Francis.

Tagpo sa inspeksyong isinagawa sa Tacloban bago dumating ang Santo Papa. Isang taga-Naic ang bahagi ng mga nagbantay para kay Pope Francis.

Kinailangang bumalik agad ng Santo Papa sa Maynila makatanghalian dahil sa tatama na ang bagyo sa Leyte. Sa kalahating araw na pagtigil ng Santo Papa sa Tacloban at Palo, nanatiling naroon si Maralang. Pangunahing tungkulin ni Maralang, kasama ang iba pang kapwa Coast Guard sa Leyte, ay matiyak ang kaligtasan ni Pope Francis. Ayon kay Maralang, bahagi ng kanilang tungkulin ay “to conduct maritime security, safety and emergency response operation” sa kahabaan ng baybaying naroroon si Pope Francis.

Sa panahon ng paghahanda para sa pagdating ng Santo Papa, pagod, puyat at gutom umano ang naranasan ng kanilang tropa. Subalit nang nakita na umano ni Maralang si Pope Francis, “sulit na sulit yung pagod na naramdaman” niya.

Patuloy ang Pagsubaybay at Pagbati sa Santo Papa

Bagaman hindi nagawa ng ilang makapunta ng personal sa mga pinamunuang gawain ni Pope Francis tinutukan naman ng mga taga-Naic ang mga pangyayari sa iba’t ibang media platform. Marami ang nanood sa telebisyon, habang marami rin ang nakinig sa radyo at nag-update sa pamamagitan ng mga balita at social networking sites sa internet.

Ayon kay Mac John Poblete, “Feeling ko kapag nakita ko si Papa Francisco ng personal, mapapaiyak nalang ako. Kase kahit sa picture palang nararamdaman ko na presence niya eh. What more kung personal. Sobrang nakaka-overwhelm na nasa Pilipinas si Pope.”

Ika-apat na Araw ng Santo Papa

Bahagi ng mga unang gawain ng Santo Papa ay ang pulong sa iba’t ibang religious leaders at pulong sa mga kabataan. Isinagawa ito sa University of Santo Tomas at isa ang Taga-Naic na si Gng. Lilia Ner na nagpapasalamat sa pagkakataong matutunghayan niya ang Si Pope Francis roon. Ayon sa kanya, isa umanog “great encounter” ang makita ang Santo Papa sa layong nasa dalawa hanggang tatlong metro.

Mula sa University of Santo Tomas ay bumalik sa Apostolic Nunciature si Pope Francis, bago nagtungo sa Quirino Grandstand para sa kanyang concluding mass. Sa mga pagdaang ito ng Santo Papa, isa pa ring taga-Naic ang naroon, si Eumiko Pugay, estudyante. Ayon sa kanya, “Okay lang kahit lagnatin ako bukas. Sobrang saya! From Nagtahan Bridge to Quirino Grandstand, three close-up encounters with Pope Francis. Nakakawala ng pagod yung smile niya. Kahit basang basa at lamig na lamig at sobrang sakit na ng paa ko buong araw. Sobrang saya ko pa rin!”

Samantala, marami muling taga-Naic ang dumalo sa isinagawang misa sa Quirino Grandstand. Bahagi ito ng pangwakas na gawain ng Santo Papa sa Pilipinas.

Ilan sa mga taga-Naic na dumalo sa misa ay dalawa o tatlong araw nang nasa Maynila. Nag-checkin na sa ilang hotel o tumuloy sa bahay o condo ang mga taga-Naic na nagsiluwas. Maaga namang umalis sa Naic sa mismong araw ang ilan. Ang mga nagnais na makappwesto malapit kay Pope Francis, sinuong ang masikip na daloy ng mga tao.

Ayon kay Aizza Deramas, taga-Naic, dumalo siya sa misa ng Santo Papa upang mapakinggan ang homilya at nang mabasbasan ni Pope Francis. Bitbit naman ni Janice Antonio, taga-Naic din, ang ilang personal na kahilingan sa pagdalo sa misa.

Tagpo sa concluding mass ni Pope Francis sa Quirino Grandstand.

Tagpo sa concluding mass ni Pope Francis sa Quirino Grandstand.

Sa homilya ng Santo Papa, binigyang tuon niya ang Santo Niño, kasabay ng kapistahan nito. Ayon kay Pope Francis, ipinaaalala ng Santo Niño sa atin kung sino talaga tayo—tayo ay mga anak ng Diyos, iisa sa pamilya ng Panginoon. Nalilimutan umano natin minsang tayo ay mga anak ng Diyos. Isa umano itong kasalanan. Sa paglawig ng homilya, sinabi ring bilang mga anak ng Diyos, mahalagang pangalagaan ang pamilya.

Itinuturing ngayong pinakamalaking papal audience ang naganap na pagdiriwang sa Quirino Grandstand. Tinatayang nasa anim na milyong katao umano ang dumalo roon sa kabila ng pagod at sa gitna ng walang humay na pagbuhos ng ulan.

Paalam at Salamat, Santo Papa

Nakasubaybay pa rin ang mga taga-Naic hanggang sa pag-alis ni Pope Francis sa Pilipinas.

Nakasubaybay pa rin ang mga taga-Naic hanggang sa pag-alis ni Pope Francis sa Pilipinas.

Sa huling pagkakataon, nagsadya ang ilan pang taga-Naic sa Maynila upang masulyapan ang Santo Papa.

Bandang 3:00 AM pa lang ay nagtungo na sa Maynila ang mga taga-Naic na sina Rhea Bernal at Kryk Nepomuceno. Pakay nilang matunghayan si Pope Francis bago ito tuluyang bumalik sa Roma. Ayon kay Nepomuceno, “it was an experience with so many emotions! It was actually unexplainable. Hindi kami naiyak but we were shaking badly the moment we saw him even minutes after he passed by. Great experience to start 2015, the feeling of being blessed!”

Lumipad ang Santo Papa pabalik sa Roma bandang 10:00 AM.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s