Naic celebrates fourth year of pawikan conservation

Pebrero 6, 2015 (Biyernes). Buong araw ipinagdiwang ng Naic ang ika-apat na taon ng pangangalaga nito sa mga pawikan.

Isang tagpo sa idinaos na poster-making contest kaugnay ng pawikan festival sa Naic. Ang nasa kanan ay ang kinatawan ng Palangue 2 Primary School at siyang nanalo sa elementary category.

Bandang alas-otso pa lamang ng umaga ay nagtipon na sa bulwagan ng Naic Coastal National High School (NCNHS) sa Labac ang iba’t ibang sektor ng bayan. Nagbigay ng bating pagtanggap si Labac Chairman Rogelio Bilugan. Ganap namang binuksan ni NCNHS Principal Arceli Petrasanta ang buong palatuntunan sa pamamagitan ng isang mensahe.

Sa pag-usad ng programa, nagbigay ng mensahe si Ms. Jude Fabro ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), bilang kinatawan ni Provincial Environment and Natural Resources Officer Rolinio Pozas, ukol sa pangangalaga ng pawikan sa Naic. Ipinabatid niyang sa matatag na pangangalaga ng Naic sa mga pawikang sumasampa sa baybayin nito upang mangitlog, lumalawak na ang mga kagayang pangangalaga sa iba’t ibang bayang kostal ng Cavite, gaya sa Tanza, Rosario at Noveleta.

Si Vice Mayor Rodrigo Castillo habang nagbibigay ng mensahe sa unang bahagi ng palatuntunan para sa Naic Pawikan Festival.

Kinatawan naman ni Vice Mayor Rodrigo Castillo si Mayor Junio Dualan sa paghahatid ng mensahe. Ini-ugnay ni Vice Mayor Castillo ang pangangalaga sa pawikan sa pangangalaga sa buong karagatan. Mahalaga umano ang mga ganitong hakbang dahil sa ang dagat ay pinagmumulan ng ating pagkain.

Ang mga mensahe ay sinundan ng pagbubukas ng isang pawikan life cycle diorama sa isang hardin ng NCNHS. Nagkaroon din ng ceremonial releasing ng sampung mga bagong pisang pawikan.

Pinangunahan ni Vice Mayor Castillo ang ribbon cutting para sa pawikan diorama sa Naic Coastal National High School.

Bandang alas-nuwebe ng umaga, nagsimula na ang mga paligsahang bahagi ng pagdiriwang. Nagkaroon ng boat race na nilahukan ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang baranggay ng Naic. Sinagwan ng mga mangingisda ang 100 metrong layo mula sa pampang, at dagdag pang 100 metro pabalik. Mayroon ding obstacle course na isinagawa sa aplaya ng Labac na nilahukan pa rin ng mga mangingisda.

Matapos ang pananghalian, nagpatuloy ang mga paligsahan bandang alas-dos ng hapon. Nagkaroon ng poster-making contest para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya. Tema ng mga poster ang paksa ng buong pagdiriwang, “Pangangalaga sa Pawikan, Bahagi ng MANILA BAYanihan.”

Ilang pinakawalang pawikan sa Naic.

Lumahok sa poster-making contest para sa elementarya ang mga mag-aaral mula sa Bucana Elementary School, Timalan Elementary School, Petronilo Torres Memorial Elementary School, Academy One, Palangue 2 Primary School, Muzon Elementary School, Abeniano Delos Santos Academy, Inc., La Vlaize Integrated Science School, Bancaan Elementary School, Mabulo Elementary School at Labac Elementary School. Nagwagi ang mag-aaral mula sa Palangue 2.

Lumahok naman sa poster-making contest para sa sekundarya ang mga mag-aaral mula sa Cavite State University Naic (CvSU Naic) – Laboratory High School, NCNHS, La Vlaize Integrated Science School, NCNHS Pueblo del Mar Annex, Naic National High School (NNHS), at Immaculate Concepcion School. Nanalo ang mag-aaral mula sa NNHS.

Nagsalita rin sa programa ang Research and Extension Director ng CvSU Naic na si John Xavier Nepomuceno. Tinalakay niya ang ilang mahahalagang dapat alalahanin sa pangangalaga sa mga pawikan. Ilan sa kanyang mga bilin sa mga batang nakikinig, huwag kakain ng itlog ng pawikan at huwag gagawing laruan ang mga bagong pisang pawikan. Kaugnay nito, nagkaroon ng coloring activity para sa mga batang taga-Labac. Namahagi ng mga coloring sheets at coloring material ang CvSU Naic sa mga bata.

Isa sa mga batang taga-Labac na kasama sa educational activity sa pawikan festival.

Sa buong araw, pinangunahan ng The Voice Kids Naic Finalists ang lahat ng mga pag-awit. Nagpamalas ng galing sa pagkanta ang mga batang sina John Lorenze Cruz, Ivannah Hora, Amira Medina at Monchito Hernandez.

The Voice Kids Naic Finalists.

Sa huling bahagi ng palatuntunan, palubog na ang araw nang pakawalan ang humigit-kumulang 70 bagong pisang pawikan sa baybayin ng Labac.

Ang Naic Pawikan Conservation and Protection Project ay pinasimulan noong 2011. Magkakatuwang sa proyekto ang DENR, lokal na pamahalaan ng Naic, NCNHS, CvSU Naic, Jetti, Sabrina Fair, IMOSTI at Far East Maritime, at pamahalaang pambaranggay ng Labac. Pinangunahan ng Municipal Environment and Natural Resources ang buong pagdiriwang sa pangangasiwa ni Gng. Eva Pangilinan.

Ilang pawikan na pinakawalan sa Naic.

Mula noong 2011, libu-libong bagong pisang pawikan na ang nabantayan at napakawalan sa Naic.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s