Fire razes houses in Balon Pari

Agosto 5, 2015 (Miyerkules). Tinatayang nasa 11 bahay ang inabot ng apoy sa sunog na sumiklab sa Balon Pari kaninang patanghali.

11017351_1169118776437831_4615964920165015810_n

Ilan sa mga nasunog na bahay sa Balon Pari na nasa likod lamang ng simbahan.

Bandang 11:30 AM nang nagkagulo sa poblasyon dahil sa pagliyab ng isa sa mga tabi-tabing bahay na nasa Balon Pari. Mabilis na kumalat ang apoy sa dalawang bahay hanggang sa umabot na sa lima, at kumalat pa.

Mabilis na nag-alwas ang mga nasa kapitbahayan, maging ang mga kalapit na establisyamentong nasa kahabaan ng Pascual Poblete Street. Isa-isang inilabas sa kalye ang mga kabaong ng Funeraria Almario, maging ang isang nakaburol pa. Ilang salon ding malapit ang nagsara.

Walang nailigtas ang ilang nasunugan dahil nasa mahahalagang lakad umano sila nang sumiklab ang apoy.

Inilabas naman ang kuha ng CCTV sa poblasyon na nagpapakitang unang rumesponde sa sunog ang bumbero ng Naic. Kasunod ito ng sunod-sunod na puna ng maraming taga-Naic na di umano ay huling dumating at mabagal ang bumbero ng bayan. Pahayag naman ng ilang taga-Naic, mas mabilis pa sana ang pagdating ng mga bumbero ng bayan kung agad naisaayos ang daan na bumigat dahil sa nagsala-salabat na mga sasakyan.

Sunod-sunod na nagdatingan ang mga bumbero mula sa iba’t ibang bayan at syudad ng Cavite. Labingdalawa ang trak ng bumberong rumesponde mula sa Naic, Tanza, Indang, Trece Martires, Maragondon, Gen. Trias, Kawit, Noveleta, Bacoor at Rosario. Ginamit din ang water hydrant na nasa gilid ng 7-11 sa bayan.

Ipinangamba ng marami ang posibleng pagkalat pa ng sunog na malapit din sa iba pang istruktura at establisyamento gaya ng mga bangko, mga klinika, dating sinehan, panaderya, at iba pa. Napasugod din ang maraming magulang upang alamin ang sitwasyon ng mga anak na nag-aaral sa Naic Elementary School (NES). Ilang silid-aralan ang malapit sa sunog. Kinansela na rin ang pasok sa NES dahil sa banta ng sunog.

Tanaw na tanaw ang makapal at maitim na usok ng sunog hanggang sa grand central terminal sa Ibayo Silangan, sa kahabaan ng San Roque, at sa Sapa.

Habang wala pang kopya ng opisyal na ulat ukol sa sunog ang Naic Cavite Online, hindi rin maipaliwanag sa ngayon kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Kapansin-pansin naman sa mga taga-Balon Pari ang matinding takot habang nagaganap ang sunog. Pinangambahan ding baka may mga hindi nakalabas sa mga bahay at masisikip na daan ng Balon Pari habang may sunog. Dumaan at tumuntong na sa mga bubong ang mga bumbero at mga rescuer.

Pasado tanghali nang ideklarang fire out sa Balon Pari. Wala umanong nasaktan o nasawi sa trahedya. Walong bahay ang sunog na sunog at tatlo ang bahagyang nadamay. Tinatayang nasa dalawang milyong piso ang halaga ng natupok.

Inaasahan ngayong gabi ang pamamahagi ng pamahalaang lokal ng tulong at ayuda sa mga biktima ng sunog.

Ang sunog sa Balon Pari ay naganap matapos ilibing ang 5-taong gulang na batang namatay sa sunog ding sumiklab sa Labac nitong madaling araw ng Lunes (Agosto 3).

Matatandaang may mga nasawi rin nang masunog ang dalawang bahay sa Bucana Malaki noong Mayo 16. Isang mahigit 40-anyos at dalawang batang edad 5 at 2 ang mga biktima. Nadamay rin sa sunog ang aklatan ng Cavite State University Naic na nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyong piso.

Pasado hatinggabi ng Abril 3, pa-Biyernes Santo, nang matupok naman ang isang bahay sa San Roque.

Samantala, unang naging malaking usapin sa Naic ang tungkol sa mga taga-Balon Pari nang simulan ng Parokya ng Naic na bawiin ang lupa roong pag-aari ng Simbahan. Sinadya pa ni Bishop Reynaldo Evangelista ang mga taga-Balon Pari sa kanyang Visita Pastoral noong Enero 7. Naging mainit ang usapan sa pag-itan ng mga taga-Balon Pari at ng Simbahan, kasama rin ang noon ay kura-parokong si Fr. Virgilio Mendoza. Inihayag naman ng bagong kura-paroko ng Naic ngayon na si Fr. Isagani Aviñante, sa ilang misa nitong Hulyo, na babakantehin na ng mga taga-Balon Pari ang lupang pag-aari ng Simbahan.

One thought on “Fire razes houses in Balon Pari

  1. correction Matatandaang may mga nasawi rin nang masunog ang dalawang bahay sa Bucana Malaki noong Mayo 16. Isang mahigit 40-anyos at dalawang batang edad 5 at 2 ang mga biktima. Nadamay rin sa sunog ang aklatan ng Cavite State University Naic na nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyong piso.

    correction sa inyong ulat:
    Hindi nadamay ang aklatan sa sunog. Bagkus sa linya ng kuryente ng aklatan nagsimula ang sunog. Light materials yung katabing bahay kaya una siyang nasunog. Hindi iyan inimbistigahang mabuti ng naic fire department para tapos kaagad ang imbestigasyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s