INC members from Naic join vigil in Metro Manila

Setyembre 1, 2015 (Martes). Kabilang ang libu-libong taga-Naic sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagtipon sa EDSA upang manindigan laban sa di umano ay panghihimasok sa kanila ng pamahalaan.

Ang mga taga-Naic na miyembro ng INC na nakiisa sa pagtitipon sa EDSA.

Maaga pa lamang ng Agosto 28, Biyernes, ilang taga-Naic na ang nagtungo sa Maynila upang magtipon sa harap ng tanggapan ng Kagawaran ng Katarungan. Lumiban na sa trabaho at pasok sa eskwela ang ilan sa kanila. Ito ang ikalawang araw ng pagtitipon na pakay si Kalihim Leila De Lima dahil sa pagkiling umano ng opisyal sa tiwalag na miyembro ng INC, na nagsampa ng reklamo laban sa Sanggunian ng INC. Nakikisali umano si De Lima sa mga isyung panloob para sa Iglesia. Kaugnay nito, panawagan ng INC ang pagkilala umano dapat ng pamahalaan sa hiwalay na kapangyarihan ng Estado at Simbahan.

Ayon sa isang taga-Naic na miyembro ng INC, “We have internal religious policies based on doctrines. These could not be easily interpreted and explained by media or analysts unless indoctrinated and not even by expelled members. Our fight is REAL and it has bases and its something we wouldn’t be able to read online or in editorial pages. We believe our right as a member of the church is being jeopardized.”

Kinagabihan, nagsimula namang lumipat sa EDSA-Shaw ang mga nagtitipong miyembro ng INC. Patuloy na dumarami ang mga taga-Naic na kasapi ng Iglesia na nakikilahok sa pagtitipon. Tugon umano iyon sa panawagan ng Iglesia na patuloy na makiisa sa pagtitipon sa EDSA. Hindi na umano nagdala ng mga pribadong sasakyan ang marami sa kanila dahil makakadagdag pa ang mga iyon sa paninikip ng trapiko sa Kamaynilaan. Kaugnay naman ito ng hinaing ng mga byaherong ilang oras naiipit sa trapiko dahil barado ang mga pangunahing daan dahil sa pagtitipon ng INC.

Ilang tagpo sa pagtitipon sa EDSA nang magtipon ang INC roon. Kuha ito ng isa sa mga taga-Naic na nakilahok sa pagtitipon.

Habang libu-libo ang mga taga-Naic na patuloy na dumagsa sa EDSA, marami-rami rin ang mga taga-Naic na naipit sa matinding trapiko. Kalimitang mga nagtatrabaho sa malapit doong lugar ang mga taga-Naic na nagpahayag ng hinaing sa kanilang mga social media account. Sobra na umano ang kanilang pagod at nadadagdagan pa dahil hindi agad sila makauwi. Kabilang naman ang ilang taga-Naic na INC na humingi ng pag-unawa, sa social media rin, sa abalang idinudulot ng kanilang pagtitipon.

Ayon sa isang byaherong taga-Naic, “Nirerespeto ko ang ipinaglalaban nyo pero di na nakakatuwa, nakakaabala na talaga. Seryoso!” Sabi pa ng isang taga-Naic, “Hindi na vigil campaign yon, rally na yon. Trapik, polusyon, napakalaking abala na ang naidudulot ng vigil kuno ng INC.” Tugon naman sa huli ng isang miyembro ng INC na taga-Naic din, “Kapag ba ang Catholic nagrarally nagrereact ba ang INC ng ganyan ng reaction mo.” Ayon pa sa isang taga-Naic na INC, “Hindi po kasi nila nauunawan kung anu yun tunay ng pagsamba sa Diyos kaya pu ganyan un mga tao.”

Inihayag naman ng Iglesia ang pagtatapos ng kanilang pagtitipong nitong Agosto 31. Bunsod umano ito ng pagkakaunawaan na ng pamahalaan at INC sa pamamagitan ng mga pag-uusap. Kagaya ng libu-libong nasa EDSA, nagpahayag din ng pagbubunyi ang mga taga-Naic na naroon. Ayon kay Ka Elsa Nueva, Mang-aawit sa Lokal ng Bancaan, sulit umano ang kanilang paninindigan. Nag-“enjoy” naman umano si Ka Solita Poblete, Diakonesa sa Lokal ng Naic, sa naganap na pagtitipon. Sa kabila umano ng mga karamdaman, wala umano siyang nadamang pagod habang nakikiisa sa EDSA. Masaya pa umano sila sa mga sandaling nagsasayawan at nagkakantahan ang mga kapatid sa INC.

Ang mga taga-Naic na miyembro ng INC na nakiisa sa pagtitipon sa EDSA.

Ayon kay Myleen Casama, “Salamat po Ama sa isang mapayapa at matagumpay na peaceful rally.”

Ayon kay Edison Nueva, “Mga kapatid, nagawa natin! Hindi nasayang ang ating pagpapagal, pagpapakapagod, pagtitiis ng init, paglalakad ng malayo, pagkabasa sa ulan, pagtulog sa kalye at pagharap sa mga pang-uusig at pang-uuyam ng mga tao dahil hindi tayo pinabayaan ng ating Panginoong Diyos. Tayo’y nagtagumpay dahil sa Kaniyang mahalagang tulong. Tunay na ang ating malubos na pagkakaisa at pagmamahal sa ating kahalalan bilang Iglesia Ni Cristo ay nagdudulot ng kaluwalhatian sa ating Panginoong Diyos. Sa atin ang tagumpay!”

Kaisa rin sa panawagan ang mga taga-Naic na miyembro ng INC na nasa ibang bansa. Ayon kay Anne Margarett Merlan na nasa Dubai, “nakita nyo naman po kung gaano kalaki ang pagmamahal namin sa Iglesia ni Cristo at kung gaano namin iniingatan ang aming relihiyon, nagtagumpay kame sa aming hangarin at ipinagpanata.”

Ang kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Lokal ng Naic

Ang kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Lokal ng Naic

Habang umabot sa tila palitan ng maiinit na pahayag sa social media ang isyu ukol sa INC, isa sa mga kalimitang matutunghayan sa maraming miyembro ng INC ay ang linyang “All religions, cultures, and beliefs deserve the same amount of respect, even if they are different from your own.”

Sa kasalukuyan, may walong Lokal ang Iglesia sa Naic. Ito ay ang mga lokal ng Naic, Malainen, Halang, Palangue, Labac, Munting Mapino, Muzon, at Bancaan. Sakop ng Naic Area ang pitong Lokal maliban sa Muzon na sakop ng Maragondon Area. Ang Naic ay sakop ng mas malaking Cavite North. Tinatayang may humigit-kumulang na 6,000 miyembro ng INC sa Naic.

Taong 1926, ipinadala ni Ka Felix Manalo sa Naic si Ka Norberto Cruz upang ganap na mapasimulan ang INC sa bayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s