On feast of Immaculate Conception, Church calls for “masaganang habag”

Disyembre 7, 2015 (Lunes). Homilya sa Misa Concelebrada. Puno ang Simbahan ng Naic nang ipagdiwang ang Misa Concelebrada kaninang 9:30AM para sa kapistahan ng patrona ng bayan, Inmaculada Concepcion.

IMG_7892

Tagpo sa Misa Concelebrada para sa karangalan ng Inmaculada Concepcion, Patrona ng Naic.

Sa homilya ni Fr. George Morales, inilahad muna niya ang tungkol sa mga jubileo ng Simbahang Katolika. Binanggit niya ang Great Jubilee na inihayag ni Pope John Paul II noong 2000. Ayon kay Fr. Morales, tuwing may jubilee ay isang taong nakabukas ang pinto ng Saint Peter’s Basilica sa Vatican. Pagkatapos noon ay isinasara itong muli sa loob ng 25 taon. Subalit sa natatanging pagkakataon, isang Extraordinary Jubilee Year of Mercy ang inihayag ni Pope Francis ngayong 2015. Kaugnay nito, sa halip na sa 2025 pa bubuksan, muling bubuksan ang pinto ng nabanggit na basilica. Ganito rin umano ang gagawin ng Diocese ng Imus na magbubukas ng pinto. Dapat sana ay sa 2036 pa ito magbubukas gayong 2011 nang magdiwang ito ng Golden Jubilee.

Ang ekstraordinaryong jubileo umano ay magsisimula bukas, Disyembre 8, kasabay ng kapistahan ng Inmaculada Concepcion. Sa paglawig ng homilya, sinabi ni Fr. Morales na ito ay tanda na si Maria ay mahalagang daan upang sumaa-atin ang masaganang habag ng Diyos, si Kristo.

IMG_7886

Si Fr. George Morales habang inilalahad ang homilya sa Misa Concelebrada para sa kapistahan ng Patrona ng Naic, Inmaculada Concepcion.

Nagnilay rin si Fr. Morales sa mga naging pagbasa at inisa-isa ang aniya ay mga mukha ng habag ng Diyos. Una umanong mukha ang kasalanan nina Adan at Eba na naging daan sa pagsasara ng pinto ng paraiso. Subalit hindi umano hinayaan ng Diyos na sarado ang pinto ng paraiso at ipinarating niya ang kanyang habag na nagkatawang tao sa anyo ni Hesus. Subalit upang ito ay mangyari, inihanda niya ang templo kung saan magsisimula ang katuparan ng pagdating ni Hesus—ito ay si Maria. Matapos ipaglihing walang sala ng ina, nabuhay si Maria na malinis ayon sa kaloob ng Diyos.

IMG_7887

Si Fr. George Morales habang naghohomilya sa Misa Concelebrada.

Mula sa mga naunang pagtalakay ay naglahad din ng ilang aral si Fr. Morales. Ayon sa kanya, ang simbahan umano ay marapat maging lugar upang madama natin ang habag ng Diyos. Tuwing papasok umano tayo sa mga simbahan, gaya ng sa Parokya ng Naic, kailangan umanong ito ay maging lugar kung saan naroon si Hesus. Bukod dito, sinabi rin sa homilya na tayo rin, bilang mga tao, ay kinakailangang maging templo ng Diyos, at nagpapadama ng habag ayon kay Kristo. Hindi dapat tayo maging daan upang magdusa at malayo ang tao sa Diyos, at sa halip, maging daan upang mapalapit pa tayo sa Diyos, sa kanyang masaganang habag.

Ang Misa Concelebrada ay dinaluhan ng kaparian mula sa iba’t ibang parokya sa Diosesis. Sa bilang ng Naic Cavite Online, hindi bababa sa 16 ang nakipagdiwang na pari, kabilang ang mga dating kura-paroko ng Naic na sina Fr. Virgilio Mendoza at Fr. Jun Poblete. Dati ring naging kura ng Naic si Fr. Morales.

Matutunghayan namang nangakaupo sa unahan ng simbahan ang ilang opisyal ng bayan, kasama na ang alkalde. Nasa unahan din ang mga dati nang nag-Hermana de Fiesta, kasama ang kanilang mga pamilya, at ilan pang kilalang personalidad sa Naic.

IMG_7897

Ang Hermana de Fiesta, Dra. Constancia Castro; tagpo sa Misa Concelebrada para sa karangalan ng Inmaculada Concepcion.

Hermana ngayong taon si Dra. Constancia Torres- Castro. Pinangunahan niya ang pag-aalay ng bulaklak sa Inmaculada Concepcion.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s