Throwback: Pinakamalalaking kwento ng Naic nitong 2015

15

Ngayong 2015, muli pa ay ipinamalas ng Naic ang sigla sa pagpapayaman ng kultura at tradisyong kinagisnan. Kaugnay nito ay ang mga pagbabago at pangyayaring umukit na sa kasaysayang lokal, at inaasahang huhubog sa susunod pang panahon. Sa pagkakataong ito, muling tunghayan ang mga naitala at nasaksihan ng Naic Cavite Online sa iba’t ibang panig ng bayan sa nakalipas na taon.

SIMBAHANG KATOLIKA

Ang larawang ito ay kuha ng Naic Cavite Online nang maglibot ang popemobile matapos ang misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand.

Bilang isa sa mga pinakamaimpluwensyang institusyon, dama ng Naic ang mga pangyayari at pagbabagong sinuong ng Simbahan mula sa pinakamataas hanggang sa pinakalokal na antas. Kabilang na rito ang ilang araw na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong Enero na nilahukan ng mga taga-Naic sa iba’t ibang lugar at pagkakataon. Saksi ang mga taga-Naic mula sa pagdating ng sinasakyang eroplano ng Santo Papa, hanggang sa “Encounter with Families” sa MOA Arena, pagpunta niya sa Leyte, pati sa pulong sa University of Santo Tomas, pangwakas na misa sa Quirino Grand Stand, maging sa mga pagdaan ng Santo Papa sa iba’t ibang kalsada |Read Story|View Pictures|. Ilang araw bago nagdalaw-pastoral si Pope Francis sa Pilipinas, nagdalaw-pastoral din sa Parokya ng Naic si Most Rev. Reynaldo Evangelista, Obispo ng Diyosesis ng Imus. Sinasabing ang ganitong pagdalaw ng obispo sa Parokya ng Naic ay huling naganap ilang dekada na ang nakalilipas. Nakipanayam siya at nakihalubilo sa mga opisyal ng mga samahang pansimbahan, sa mga nasa bilangguan sa Latoria, sa mga naninirahan sa lupa ng Simbahan sa Balon Pari, at sa mga batang tumatanggap ng feeding program sa Bucana Sasahan |Read Story|View Pictures|. Malaking pagbabago naman para sa mga parokyang nasa Naic ang regular na pagpapalit ng mga kura-paroko. Nitong 2015, pinalitan ni Fr. Isagani Aviñante si Fr. Virgilio Mendoza sa Parokya ng Naic; ni Fr. Frederick Tacderas si Fr. Monico Tagulao sa Parokya ng Sto. Niño de Bancaan; at ni Fr. Dingh Honrada si Fr. Orlando Jimenez sa Parokya ng San Isidro Labrador. Nagbunyi rin ang sambayanang Naic nang sa napakahabang panahon ay isa muling taga-Naic ang inordinahan sa pagkapari, at sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa ang ordinasyon sa mismong bayan. Mayo 26 nang ordinahan sa Parokya ng Naic ang taga-Naic na si Fr. Ned Nazareno |Read Story 1| Read Story 2|. Bago naman ang pagwawakas ng taon, kumalat ang balitang pumanaw sa sakit ang dating kura ng Parokya ng Naic na si Fr. Nonilon Tibayan |View Pictures|.

PAMAHALAANG LOKAL

Tila iginuhit sa 2015 ang ilan sa malalaking desisyon ng pamahalaang lokal ng Naic na babago sa kasaysayan ng bayan. Naging daan ang “Ulat sa Bayan” ni Mayor Junio Dualan noong Setyembre sa plaza upang mapag-usapan ang iba’t ibang proyekto ng kaniyang administrasyon. Humatak ng matinding palitang-kuro ang libu-libong pabahay na itinayo at kasalukuyang itinatayo sa mga baryo ng Palangue Central, Halang, Calubcob at Sabang. Ang proyektong ito ng National Housing Authority ay tinanggap umano ng mga lokal na pamahalaan ng Cavite at Naic sa paniniwala nina Gov. Juanito Victor Remulla Jr. at Mayor Dualan na hindi aasenso ang isang bayan kung kakaunti ang tao. Sa patuloy na pagdating ng libu-libong bagong residente mula sa malalayong lugar, nagpahayag ng pangamba ang maraming taga-Naic sa maaari umanong pagkalat ng kriminalidad. Ilan sa mga pahayag nila ang mga sumusunod: “Pulitika ang pabahay na iyan, malaking problema iyan ng mga lehitimong taga Naic, dapat ang mga dadalhin mga ililipat sa pabahay sa nasabing mga Barangay ay matitinong pamilya;” “Sana nagkaroon man lang ng study bago inaprubahan to;” at “hindi sa pag dami ng taga boto (este mga tao) nasusukat ang pag unlad ng isang bayan. nasusukat ito sa pagpapahalaga ng kung anong mayroon tayo sa ating lipunan” |Read Story|. Samantala, isa umano sa tanong ng alkalde sa gobernador ay kung papaano ang kabuhayan ng mga magiging bagong residente ng Naic, at nangako naman ang huli sa pagdating ng mga mamumuhunan sa bayan ngayong taon. Kaugnay nito, naghugos nga ang Ayala Land Developers para sa pagtatayo ng isang light industrial estate sa Sabang. Tinatawag na Cavite Technopark, itatayo umano ito sa 118 ektarya ng lupang kayang magkaroon ng halos 50 pabrika. Inaasahan din umanong nasa 20,000 hanggang 25,000 empleyado sa darating na tatlo hanggang limang taon. Malaking usapin din ito sa Naic lalo na sa mga nangangailangan ng trabaho. Ilan sa mga pahayag nila ay ang mga sumusunod: “Sana priority mga taga naic lalo n ung lehitimo at botante na dito sa bayan ng Naic;” “maka pag for good na sa Phils, at makapag apply na;” at “Sana may ilaan silang work for certain age brackets, 20,30,40,and 50’s tulad sa ibang bansa. Kahit age 60 or over ay nabibigyan pa rin ng trabaho sa ibang bansa like japan and other asian countries. Sana sa naic mag umpisa ang ganitong palakad” |Read Story|. Bukod sa mga ito, idinetalye rin ni Mayor Dualan sa kanyang ulat sa bayan ang ukol sa mga programang panlipunan, iba pang negosyo, edukasyon, at budget.

SUNOG

11017668_701610089950244_6138450873484401607_n

Ang Aklatan ng Cavite State University Naic habang nilalamon ng apoy sa sunog na sumiklab noong Mayo.

Masaklap na trahedya ang kinaharap ng Naic nitong 2015 dahil sa sunod-sunod na sunog. Apat na buhay ang nawala at milyon-milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy. Hapon ng Mayo 16, nagulantang ang mga taga-Bucana Malaki at Bagong Kalsada nang sa di malamang dahilan ay nag-apoy ang isang bahay sa lugar. Sa loob lamang ng 15 minuto ay nakaliban na ang sunog sa kadikit na bahay at katabing aklatan ng Cavite State University Naic. Higit sa may dalawang milyong halaga ng aklatan, bukod pa sa dalawang bahay na naabo, nagluksa ang Naic sa pagkamatay ng tatlong tao sa bahay na pinagsimulaan ng apoy. Isang mahigit 40-anyos at dalawang batang edad 5 at 2 ang mga biktima |Read Story|View Pictures|. Madaling araw naman ng Agosto 3, nagising ang mga taga-Labac sa hiyawang nasusunog ang isang bahay na katapat ng Barangay Hall. Isang limang taong bata rin ang hindi nakaligtas sa sunog. Samantala, matapos ilibing ang biktima ng sunog sa Labac noong Agosto 5, bandang ika-11 ng umaga, malaking sunog naman ang sumiklab sa likod ng simbahan ng Naic, sa pook na tinatawag na Balon Pari, sakop ng GomBalZa. Tinatayang nasa 11 kabahayan ang inabot ng apoy na tumupok sa may dalawang milyong halaga rin ng ari-arian |Read Story|View Pictures|. Pasado hatinggabi naman ng Abril 3, pa-Biyernes Santo, nang matupok din ang isang bahay sa San Roque.

AMIRA MEDINA

02

Si Amira habang inaawit ang Wrecking Ball para sa kanyang blind audition sa The Voice Kids.

Ikinarangal ng Naic ang matagumpay na paglahok ng batang si Amira Medina sa The Voice Kids (TVK) ng ABS-CBN. Hulyo 12 nang iere ang pagkakapanalo ni Amira sa blind audition ng TVK. Matatandaang sa bersyon ni Amira ng kantang Wrecking Ball noon ay agad na umikot ng upuan si Bamboo na saglit pa ay halos sabay na sinundan nina Sarah Geronimo at Leah Salonga. Pinuri ng mga hurado ang lalim at maturity ni Amira sa pagkanta. Noong Agosto 1 naman ay iniere ABS-CBN ang battle round ng TVK kung saan nakalaban ni Amira ang dalawang kasama sa Team Sarah na sina Andrew Patuastic at Owen Gonzaga. Kinanta nila ang Keep Holding On. Nanalo muli si Amira na nagpausad sa kanya hanggang sa singoffs na isinahimpapawid noong Agosto 16. Bagaman hindi na nakalusot sa naturang round, naging abala si Amira sa iba’t ibang guesting sa ABS-CBN at ilang appearances sa ilang probinsya |Read Story|.

SA TELEBISYON

11998814_752502774860975_4347496257828696863_n

Ang “Happy Truck ng Bayan” ng TV5 sa Naic noong Setyembre.

Hindi lamang ang pagbida ni Amira Medina sa The Voice Kids ng ABS-CBN ang naging daan upang matunghayan ng mas maraming mga manonood ang tungkol sa Naic. Marso 18 nang itampok sa programang “I Juander” ng GMA NEWS TV Channel 11 ang taal na pagkaing-Naic, ang sinudsod. Oktubre 21 nang sa “I Juander” muli ay itampok naman ang isang horror story mula sa di umano ay manikang sumasanib sa Kalye Pelaez, Kanluran |Read Story|. Nitong Setyembre naman, dinala ng TV5 ang programa nitong Happy Truck ng Bayan sa Naic. Dinayo ng mga taga-Naic ang taping nito sa plaza kasabay ng pagdating ng mga malalaking bituin ng TV 5. Kabilang sa Happy Truck ng Bayan sina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Derek Ramsay, Gelli de Belen, Mariel Rodriguez-Padilla, Jasmin Curtis-Smith, Empoy, Tuesday Vargas, Kim Idol, Eula Caballero, Martin Escudero, Alwyn Uytingco, Ritz Azul, Valeen Montenegro, Toni Aquino, Tom Taus, Mark Neumann, Shaira Mae, Akihiro Blanco, Chanel Morales, Sophie Albert at Vin Abrenica. Ayon sa mga host ng programa kakaiba umano ang sigla ng mga taga-Naic. Ayon kay Derek Ramsay, sa dami ng napuntahan nila, ang mga taga-Naic ang may pinakamataas na energy. Bukod sa kasiyahan, namigay rin ang programa ng mga papremyo sa mga taga-Naic |View Photos|. Samantala, nagsadya ang mga programa ng ABS-CBN sa Naic upang magpa-audition sa bayan noong Nobyembre 3. Nilahukan ng maraming taga-Naic ang audition para sa Pilipinas Got Talent. Karaniwang kumanta at sumayaw ng solo o grupo ang mga taga-Naic. Marami rin ang pinalad na makapag-audition sa mismong ABS-CBN habang ang ilan ay sumabak pa sa isang audition kinabukasan sa Dasmarinas, Cavite. ipinatalastas din sa sa Naic na may audition din noong araw na iyon para sa isang segment ng It’s Showtime! Ipinatalastas din sa sa Naic na may audition din noong araw na iyon para sa isang segment ng It’s Showtime!

LANDMARKS

12096638_412732272267896_9157839017644068139_n (1)

Ang bagong dalawang kalabaw na may dalawang ulo bilang palatandaan ng Naic.

Isinilang ngayong 2015 ang ilang landmark na inaasahang magiging tatak-Naic. Isa sa mga pinakapinag-usapan ang pagpapagawa ng kalabaw na may dalawang ulo. Matatandaang mula dekada ’70 hanggang ’90 ay naging palatandaan na ng Naic ang rebulto ng kalabaw na may dalawang ulo sa plaza nito. Upang ibalik umano ang alaala at upang maging pagkakakilanlan muli ng Naic, nagpagawa ng bagong rebulto ng kalabaw na inilagay sa pinagsangahan ng Ibayo Silangan sa tapat ng Petron Gasoline Station |Read Story|. Naglagay rin ng mga monumento nina Andres at Procopio Bonifacio sa kung saan sila ibinartolina noon sa Casa Hacienda de Naic o Naic Elementary School |Read Story|. Naging kapansin-pansin din ang pagkakaroon ng mga electronic billboard sa Naic, una sa may plaza |Read Story|, na sinundan ng sa may ABC Hall na mula umano sa donasyon ng mga taga-Naic na nasa America, at pinakahuli ay ang sa tanggaan ng Turismo, sa kung saan naroon din ang kalabaw na may dalawang ulo. Samu’t saring pagbati at patalastas ang matutunghayan sa mga e-board ng bayan na nagpabawas din umano sa paggamit ng streamers sa Naic.

KRIMINALIDAD

Bagaman tahimik at patagong pinag-uusapan sa Naic, tuluyan nang pumutok ang balita ukol sa malalaking kwento ng krimen di umano sa bayan nang ibalita ng GMA News ang ilan sa mga ito. Ayon sa ulat ng “News to Go” noong Agosto, sinalakay ng otoridad ang ilang bahay ng matataas na opisyal sa upland barangays ng Naic. Nasabat umano ang malalakas na armas sa mga bahay ng ilang kapitan ng bayan. Ini-ugnay rin ng ulat ang naturang mga armas sa serye ng patayan sa Cavite, partikular umano sa pagpatay sa isang kapitan ng Naic noong Hunyo |Watch Video|. Kabilang naman ang Naic sa sampung target areas na sabay-sabay sinalakay ng otoridad sa Cavite nitong Nobyembre. Ayon sa ulat ng “24 Oras,” isa sa 25 nadakip ay ang itinuturing na 3rd Most Wanted ng Naic. Ini-uugnay sa pagsugpo umano sa mga iligal na armas at droga ang naturang raid |Watch Video|.

HALALAN 2016

Kaugnay ng magaganap na halalan ngayong 2016, nakilala na ng Naic ang mga tatakbo sa mga posisyong lokal matapos ang pasahan ng Certificate of Candidacy sa tanggapan ng Comelec sa Naic. Tatakbo sa Konseho, sa ilalim ng Partido Magdalo, dala ng United National Alliance, sina Konsehal Cesar Ryan Nazareno, Konsehal Anita Carta, Konsehal Sofia Motas, Konsehal Rodolfo Villar, Konsehal Napoleon Nazareno, Konsehal Maximo Dagasdas, ABC President Cesar Loyola Jr., at dating Konsehal Ferdinand Wakay. Tatakbo pa ring bise ng naturang partido si Vice Mayor Rodrigo Castillo |Read Story|. Tatakbo rin para sa Konseho, sa ilalim ng National Unity Party, sina Konsehal Erwin Cuartero, dating Balsahan Chairman Gerald Sugue at Rollie Jan Hinahon. Kasama nilang tatakbo para sa pagka-bise si dating Konsehal Roger Pangilinan |Read Story|. Tatakbo rin bilang mga independienteng kandidato para sa Konseho sina dating Konsehal Romy Buenaflor at Nikko Pagdanganan |Read Story|. Independiente ring tatakbo bilang bise si Konsehal Joy Unas-Paras |Read Story|. Wala namang makakalaban ang nakaupong si Mayor Junio Dualan ng Partido Magdalo. Kaugnay ng nalalapit na halalan, naging madalas ang pagbisita ni Vice President Jejomar Binay sa Cavite, kasama ang Naic, nitong 2015. Tatakbong pangulo si Binay. Samantala, naging panauhin pa sa Alay Lakad ng Naic ang tatakbong Senador na si dating MMDA Chairman Francis Tolentino |Read Story|.

IGLESIA NI CRISTO

11923014_1021664727874171_836361475_n

Ang ilang miyembro ng Iglesia ni Cristo sa kanilang idinaos prayer vigil laban umano sa panghihimasok ng pamahalaan sa kanilang Iglesia.

Aktibo ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa Naic sa kanilang pakikiisa at pagdiriwang sa ika-100 anibersaryo ng kanilang Iglesia. Kabilang din sila sa nakilahok upang manindigan para sa kanilang pananampalataya. Agosto 28 nang ilang taga-Naic na ang nagtungo sa Maynila upang magtipon sa harap ng tanggapan ng Kagawaran ng Katarungan. Ito ay upang labanan umano ang panghihimasok sa kanila ng pamahalaan. Nadagdagan pa ang bilang ng mga taga-Naic na lumahok sa pagtitipon na umabot hanggang sa EDSA. Tumagal ito hanggang Agosto 31 |Read Story|.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s