Local politicians not OK with NCO’s ‘Tanong ng Bayan sa Sanggunian’ format

Abril 7, 2016 (Huwebes). Wala ni isang tumatakbong pulitiko sa Naic ang nagpaunlak upang sagutin ang mga tanong ng bayan na kinalap ng Naic Cavite Online (NCO) mula sa netizens.

wow

Matutunghayan ang word cloud na nalikha matapos isalang ng NCO ang teksto ng naging usapan ng mga netizens sa Naic hinggil sa mga isyu ng bayan. Ang naturang teksto ay mula sa panawagan ng NCO na ihayag ng bayan ang kanilang mga tanong para sa mga tumatakbo sa Sanggunian Bayan ng Naic ngayong 2016. Ang laki ng salita sa word cloud ay katumbas ng dami ng pagbanggit dito sa teksto.

Matatandaang noong Marso 12, nanawagan ang NCO mula sa netizens upang ihayag ang kanilang mga tanong para sa mga tumatakbo sa Sanggunian Bayan. Sa pagsusuri at pagsusuma, lumalabas na pangunahing usapin ng bayan ang tungkol sa traysikel at transportasyon, serbisyong medikal, kaayusan sa palengke, droga, mga nagsulputang pabahay, at Cavite Technopark.

Noong Abril 3 at 4, ipinamahagi ng NCO sa lahat ng kumakandidatong vice mayor at konsehal ang mga tanong ng bayan. Kalakip ng mga tanong ang liham na nagpapaliwanag ukol sa mga tanong, maging ang mga panuntunang susundin sakaling sasagot sila sa mga katanungan.

Abril 5 ang itinakdang araw ng NCO upang magpasa ng sagot ang mga kandidato, at ngayong araw sana magsisimula ang NCO sa pagpopost ng kanilang mga sagot.

Habang positibo ang marami sa mga kandidato, at ang ilan ay nangako pang sasagot nang personal na makausap ng NCO, natapos ang itinakdang araw ng pagpapasa subalit wala ni isang nagbigay ng sagot.

Ayon sa ilang source, hindi umano komportable ang ilang kandidato na sumagot sa mga ipinadalang tanong ng NCO. Pasulat ang inaasahang tugon ng NCO mula sa mga pulitiko at hindi umano komportable sa ganoong sistema ang ilan. Hindi umano nila matutukoy kung mismong ang kalabang pulitiko ang sasagot sa mga tanong, bagaman sa dulo ng mga sagot ay pinalalagda ang mga kandidato sa pangakong sa kanila mismo nagmula ang mga sagot sa tanong.

Samantala, tanging ang Team Unity o ang partido UNA lamang ang nakipag-ugnayan sa NCO bago matapos ang Abril 5. Sa pamamagitan ng telepono, ipinaliwanag ng partido na bagaman kaya umano nilang sagutin ang mga tanong, hindi rin umano nila masasabi kung mismong ang mga kalaban nila ang magsasagot sa mga tanong. Sa halip, mas ayon raw sila kung debate o live na tanungan ng bayan ang gagawin kasama ang kanilang mga kalaban.

Bagaman walang nagpaunlak, nagpapasalamat naman ang NCO sa lahat ng nakiisa sa paghahayag ng kanilang mga tanong para sa mga kandidato. Naniniwala rin ang pangasiwaan ng NCO na malaking hakbang sa kasalukuyang panahon na naipaabot ng netizens ng Naic ang kanilang mga katanungan para sa mga tumatakbo sa eleksyon.

Ang panuntunan at mga tanong para sa ‘Tanong ng Bayan sa Sanggunian’

Batid ng mga kandidato ang mga panuntunan ng NCO para sa ‘Tanong ng Bayan.’ Ang mga tanong ay hinati sa dalawang bahagi: ang una ay mga pangunahing impormasyon ukol sa kandidato gaya ng edukasyon, pamilya at karera; at ang pangalawa ay ang mga mismong tanong ng bayan. Tunghayan ang liham ng NCO sa bawat kandidato:

Ang lumiliham po sa inyo ay ang Naic Cavite Online (NCO). Ang NCO po ay katipunan ng accounts na matutunghayan sa Facebook, Twitter, Instagram, at WordPress. Kung susumahin ay mayroon po kaming humigit-kumulang 13,000 na tagasunod sa aming mga aktibong social networking sites. Pinakamarami po ang aming tagasubaybay sa Facebook na sa kasalukuyan ay nasa 10,273. Sa malalaking usaping aming ipinapaskil sa Facebook, may kakayahan po ang NCO na makapagparating ng ulat sa may 30,000 Facebook users na ang malaking bahagdan ay mga taga-Naic.

Kaugnay po nito, kamakailan ay kinalap ng NCO ang mga pangunahing tanong ng bayan para sa mga kakandidato sa ating lokal na halalan ngayong 2016. Nilagom po namin ang mga pangunahing tanong at inilakip sa sulat na ito.

Sa ngalan po ng mga taga-Naic, ipinararating po namin sa inyo ang mga pangunahing tanong ng bayan para sa mga tumatakbo sa pwesto sa ating Sanggunian. Ituturing po naming malaking karangalan na inyong pagkatiwalaan upang maiparating sa kanila ang inyong mga kasagutan sa mga katanungan.

Kalakip din po ng liham na ito ang panuntunan na aming susundin sakaling magpaunlak kayo ng tugon upang maiparating sa ating mga kababayan ang inyong mga plataporma bilang mga lingkod-bayan. Aasahan po namin ang inyong mga sagot hanggang ika-5 ng Abril 2016 (Martes).

Maraming salamat po.

Samantala, tunghayan ang panuntunang ipinaabot sa mga kandidato:

  1. Ang liham at talatanungan pong ito ay ipinadala sa lahat ng kandidato sa Naic para sa mga pwestong pang-Sanggunian Bayan (11 para sa pagka-konsehal; 3 para sa pagka-vice mayor).
  1. Pasulat po ang inaasahang paraan ng pagsasagot gamit ang itim o asul na tinta ng pen.
  1. Ang lahat po ng sagot ay verbatim na kokopyahin at ilalahad ng NCO.
  1. Hanggang Abril 5, 2016 (Martes) po ang ilalaang panahon ng NCO upang makalap ang sagot ng mga kandidato. Ito po ay upang mabigyang panahon ang NCO sa encoding, layouting at iba pang pangangailangang teknikal upang maihatid ang mga sagot sa bayan. Hindi na po tatanggapin ng NCO ang mga huling magpapasa ng sagot kapag nagsimula na ang posting ng NCO. Ito ay upang maiwasan ang mga kuro-kurong nabasa na ng isang kandidato ang sagot ng iba bago pa siya magpasa.
  1. Ang teksto ng mga tanong at sagot ay ilalagay sa WordPress account ng NCO (http:// naiccavite.wordpress.com). Bawat kandidato ay bibigyan ng kanya-kanyang webpage para rito. Ang bawat webpage ay ishe-share ng NCO gamit ang Facebook Fanpage nito (http://www.facebook.com/naiccaviteonline). Habang ang larawan ng kandidato ay ipopost din ng NCO sa Instagram account nito.
  1. Mula Abril 7, 2016 (Huwebes) hanggang Abril 17, 2016 (Linggo), isa-isa nang ipopost ng NCO ang mga sagot ng kandidato sa pagka-konsehal. Bawat araw, ilalahad ng NCO ang sagot ng isang kandidato. Ang pagkakasunod-sunod ng paglalahad ng NCO ay ayon sa pagkakasunod-sunod ng pagpapasa ng sagot ng mga kandidato. Sa mga pagkakataong magkakasamang ipinasa ang sagot ng dalawa o higit pang kandidato, uunahin ang sagot ng kandidatong nasa ibabaw ang papel sa pagpapasa.
  1. Mula Abril 26, 2016 (Martes) hanggang Abril 28, 2016 (Miyerkules), isa-isa namang ipopost ng NCO ang mga sagot ng kandidato sa pagka-vice mayor. Bawat araw, ilalahad ng NCO ang sagot ng isang kandidato. Ang pagkakasunod-sunod ng paglalahad ng NCO ay ayon sa pagkakasunod-sunod ng pagpapasa ng sagot ng mga kandidato.
  1. Inaasahan pong maibabalik sa NCO ang sagot sa anyong pasulat sa papel (hardcopy). Sa pagpapasa ng sagot, makipag-ugnayan lamang sa NCO sa cellphone number 09XX-7XX-66XX.
  1. Hihingi rin po ng softcopy ng larawan ng bawat kandidato ang NCO. Wala po sanang anumang nakasulat sa larawan. Ito po ang ilalakip ng NCO sa pagpopost nito ng mga sagot. Maaari po itong ipadala sa email (jxbnep@yahoo.com) o sa pamamagitan ng private messaging sa NCO Facebook Fanpage, o gamit ang flashdrive na isasalin sa laptop ng NCO kung magpapasa na ng mga sagot.

Tunghayan naman ang mga tanong na tinanggap ng mga kandidato:

  1. Idinadaing po ng maraming taga-Naic ang hindi pagbaba ng pamasahe sa tricycle sa kabila ng sunod-sunod umanong pagbaba ng presyo ng gasolina. Isinisisi naman po ng ilan ang pagsisikip ng mga daan sa poblasyon dahil sa sobrang daming tricycle sa bayan. Ilan lamang po ang mga ito sa mga suliraning may kinalaman sa tricycle mula sa nakalap ng NCO. Sa abot ng inyong magagawa sakaling mahalal, ano po ang inyong mga plano hinggil sa mga tricycle, nagmamaneho ng tricycle, at mga sumasakay sa tricycle sa Naic. Iminumungkahi po ng NCO na pakilimitahan lamang po mula 10 hanggang 20 pangungusap ang inyong sagot, bagaman maaari itong maging mas maiksi o mas mahaba.
  1. Nito pong Marso 19, 2016 (Sabado), isang ginang ang umiiyak sa poblasyon habang karga ang kanyang anak. Pinahihinahon at pinapayuhan siya ng mga taga-Naic na nakatawag ng kanyang pansin. May sakit ang kanyang anak at hindi umano ito tinanggap sa isang pampublikong pagamutan sa Naic. Hindi na umano niya alam ang gagawin. Sa nakalap po ng NCO, isa po ang usaping pangkalusugan sa mga isyung dapat umanong pinagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaang lokal. Sa abot po ng inyong magagawa sakaling mahalal, ano po ang inyong plano upang mabigyang-tulong ang mga kababayan nating may pangangailangang medikal. Iminumungkahi po ng NCO na pakilimitahan lamang po mula 10 hanggang 20 pangungusap ang inyong sagot, bagaman maaari itong maging mas maiksi o mas mahaba.
  1. Marumi at masikip. Ganito po inilarawan ng mga taga-Naic na nagpapaabot ng tanong ang ating pamilihang bayan. Ilan sa itinuturo po nilang dahilan ay ang sira-sira nang bubong ng palengke, nagpuputik na sahig, hindi sistematikong pagdaloy ng trapiko sa palibot ng pamilihan at mga nagtitindang sumasagabal na sa mga daanan. Sa abot ng inyong makakaya sakaling mahalal, ano po ang inyong plano upang magkaroon ng kaayusan sa ating pamilihan? Iminumungkahi po ng NCO na pakilimitahan lamang po mula 10 hanggang 20 pangungusap ang inyong sagot, bagaman maaari itong maging mas maiksi o mas mahaba.
  1. Sa mga nagdaang buwan, laman po ng mga balitaan sa telebisyon at dyaryo ang Naic dahil sa droga. Pinatototohanan po ng maraming nagpadala ng tanong sa NCO na nakapapasok ang droga sa kani-kanilang baranggay. Kung pagbabatayan po ang mga ulat at patotoo, maituturing pong talamak ang droga sa Naic. Sa abot po ng inyong magagawa sakaling mahalal, ano po ang magagawang hakbang ng Sanggunian upang malutas ang suliraning ito? Iminumungkahi po ng NCO na pakilimitahan lamang po mula 10 hanggang 20 pangungusap ang inyong sagot, bagaman maaari itong maging mas maiksi o mas mahaba.
  1. Sa libu-libong pabahay pong itinayo sa iba’t ibang baranggay ng Naic, lubos po ba ang inyong paniniwalang ang Cavite Technopark ang sagot upang mabigyang trabaho ang Naic sa inaasahang paglaki ng populasyon nito sa di malayong hinaharap? Ano po ang inyong paninindigan ukol sa mga pabahay ng pamahalaan sa Naic at sa Cavite Technopark? Iminumungkahi po ng NCO na pakilimitahan lamang po mula 10 hanggang 20 pangungusap ang inyong sagot, bagaman maaari itong maging mas maiksi o mas mahaba.
  1. Mangyari lamang pong magbigay ng TATLO (3) sa itinuturing ninyong mahahalagang salik at/o sektor ng ating bayan (hal. Agrikultura, Edukasyon, Isports, Kabataan, atbp.). Matapos po ang pagpili ng tatlo, pakipaliwanag po kung ano ang inyong magiging mga hakbang upang mapaunlad ang mga ito sa Naic. Sakaling lumampas po sa tatlo ang inyong isulat, ang unang tatlo lamang po ang ilalahad ng NCO. Iminumungkahi po ng NCO na sa bawat salik o sektor, pakilimitahan lamang po mula 10 hanggang 20 pangungusap ang inyong sagot, bagaman maaari itong maging mas maiksi o mas mahaba.
  1. Sa ISANG pangungusap, bakit po kayo dapat mahalal? Ang sagot po dito ay iko-quote ng NCO at ile-layout sa tabi ng larawan ng kandidato.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s