Elections 2016: National candidates support local candidates in Naic, vice versa

Mayo 7, 2016 (Sabado). Kasabay ng halalang lokal ay ang halalang pambansa. Kaugnay nito, nakarating sa Naic ang ilang mga kilalang pulitiko ng Pilipinas upang mangampanya at magbigay suporta sa mga kandidatong lokal. Kaugnay nito, nag-endorso rin ang mga pulitiko ng bayan ng mga tumatakbong pulitiko sa pambansang halalan.

Vice President Jejomar Binay

1478970_618193364958584_7550488693351496188_n

Si VP Binay at Mayor Dualan.

Nobyembre 2014 pa lamang ay dumalaw na sa Naic si Vice President Jejomar Binay. Napuno ng mga tao ang King’s Way Christian Academe (KWCA) sa San Roque kung saan nagtungo si VP Binay at nagbigay ng mensahe. Bukod sa mga karaniwang mamamayan, naroon sa pagtitipon ang mga kawani ng pamahalaang lokal at kinatawan ng ilang baranggay. Kabilang sa mga nagsidating sina Governor Jonvic Remulla, Vice Governor Jolo Revilla, dating Manila Mayor Lito Atienza at Mayor Junio Dualan. Si Gov. Remulla ang Spokesman for Political Affairs noon ng bise presidente.

Sa ulat noon ng ABS-CBN, sinabi ni Gov. Remulla na hindi pangangampanya ang ginagawa ni VP Binay kung hindi bahagi lamang ng karaniwang mga aktibidad na ginagawa na ng bise presidente noon pa mang 2010. Sa araw ng pagbisita ni VP Binay sa Naic, kapansin-pansing hati ang mga taga-Naic na sumusuporta at hindi sumusuporta sa kanya. Kani-kanyang opinyon sa kwentuhan, hanggang sa Facebook, ang mga taga-Naic. Bumisita rin umano noon ang bise presidente sa Trece Martires, Mendez, Amadeo at Noveleta.

Sa buwanang pagtataas ng watawat sa Naic nitong Marso 2016, inendorso ni Mayor Dualan si VP Binay sa pagka-presidente. Malaking tulong umanong kilala ng pangulo ang mayor para sa anumang kakailanganing ayuda mula pamahalaang pambansa.

Senatoriable Francis Tolentino

Nagsilbing panauhin sa Alay Lakad ng Naic noong Setyembre 2015 ang noon ay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson na si Francis Tolentino. Sa kanyang mensahe, sinabi niyang ihahayag na ang linya ng mga tatakbong senador ng administrasyon. Isa umano siya sa mga nakalinya. Bago umano niya tanggapin ang nominasyon, hindi niya kalilimutang nakaharap niya ang mga taga-Naic. Bibitbitin umano niya ang Mithiin at sinasabi sa lyrics ng Himno ng Naic tungo sa mas maunlad na bayan. Kung maluluklok umano siya sa senado, taglay niya ang karanasan bilang dating mayor ng Tagaytay at bilang MMDA Chairperson.

tolentino

Si Francis Tolentino sa Naic.

Ayon pa sa kanya, “Ako po ay Caviteño.” Hinikayat niya ang mga taga-Naic na kagaya ng kanyang pagsama sa Alay Lakad ng bayan ay samahan din siya sa kanyang mga adhikain. Isusulong umano niya ang Barangay Recovery Trust Fund. Sa pamamagitan umano nito ay mapalalakas ang mga baranggay upang makapaghanda at makabangon sa mga darating na sakuna. Isusulong din umano niya ang OFW Development Plan na magiging daan upang mabilis umanong matulungan ang mga mangangailang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa. Binanggit din niya ang kanyang pagsuporta sa early retirement para sa mga kawani.

Minsan na ring dumalaw sa Naic si Tolentino nang magbukas ang isang inter-town basketball tournament sa Naic noong Mayo 2015.

Sa pag-usad ng mga buwan, tumakbong independiente si Tolentino, na mapapansing nakuha ang pag-endorso ng tumatakbo sa pagkapangulong si Mayor Rodrigo Duterte.

Iba pang senatoriable: Dick Gordon at Ralph Recto

dick

Si Konsehal Joy Unas at Dick Gordon.

Sa isang malakihang motorcade rally noong Marso 2016, na isinagawa ni Konsehal Joy Unas na tumatakbong Vice Mayor ng Naic, dumating sa Timalan ang tumatakbo namang senador na si Dick Gordon. Tanda umano iyon ng suporta ng senatoriable sa independienteng tumatakbo na si Unas.

Nitong unang araw naman ng Mayo 2016, natunghayan sa plaza ng Naic ang isa pang senatoriable na si Ralph Recto. Dumalo siya sa programa sa umaga para sa pagdiriwang ng Araw ng Naic. Nagpahatid ng kanyang pagbati sa bayan si Recto.

Mayor Rodrigo Duterte

Bagaman hindi personal na nakarating sa Naic, ramdam ng bayan ang kandidatura sa pagkapangulo ni Mayor Duterte. Sa motorcade nito lamang ng tumatakbong Vice Governor ng Cavite na si Irene Bencito, kapuna-puna ang mga kasama niyang sasakyang puno ng mga plakard at poster ng alkalde. Matutunghayan din sa Facebook posts ng ilang independienteng kandidato sa Naic na sumusuporta rin sila kay Duterte. May mga taga-Naic ding sumadya nang mangampanya si Mayor Duterte sa isang bayan sa Cavite.

Samantala, bagaman tahasan ang pag-endorso ni Mayor Dualan kay VP Binay noong Marso, inabangan ng marami ang posibleng pagpapalit ng manok sa pagkapangulo ni Mayor Dualan nitong Araw ng Naic. Kumalat sa bayan na nakipagpulong umano si Mayor Dualan, kasama ang iba pang pulitiko ng Cavite, sa kampo ni Mayor Duterte. Una na ring kumalat sa mainstream media ang pagbaligtad umano ni Gov. Remulla mula kay VP Binay patungo kay Mayor Duterte. Gayunman, tahimik at walang pagbanggit si Mayor Dualan ukol sa usaping ito noong Araw ng Naic.

Mga lokal na kandidato

Tatakbo sa Konseho, sa ilalim ng Partido Magdalo, dala ng United National Alliance, sina Konsehal Cesar Ryan Nazareno, Konsehal Anita Carta, Konsehal Sofia Motas, Konsehal Rodolfo Villar, Konsehal Maximo Dagasdas, ABC President Cesar Loyola Jr., at dating Konsehal Ferdinand Wakay. Nag-urong ng kandidatura si Konsehal Napoleon Nazareno at hinalinhan siya sa linya ng independiente sanang tatakbo na si dating Konsehal Romy Buenaflor. Tatakbo pa ring bise ng naturang partido si Vice Mayor Rodrigo Castillo

Tatakbo rin para sa Konseho, sa ilalim ng National Unity Party, sina dating Balsahan Chairman, Konsehal Gerald Sugue at Rollie Jan Hinahon. Nag-urong din ng kandidatura ang kapartido nilang si dating Konsehal Erwin Cuartero. Kasabay ng pag-urong ay ang pagbibitiw niya sa Konseho kung saan hinalinhan siya ni Sugue. Kasama nilang tatakbo para sa pagka-bise si dating Konsehal Roger Pangilinan. Bahagi sila ng Liberal na kinabibilangan ni dating Mayor Edwina Mendoza. Kasama nila sa linya sina Presidentiable Mar Roxas at Vice Pesidentiable Leni Robredo.

Tatakbo rin bilang independienteng kandidato para sa Konseho si Nikko Pagdanganan. Gaya ng nabanggit, independiente ring tatakbo bilang bise si Konsehal Joy Unas.

Wala namang makakalaban ang nakaupong si Mayor Dualan ng Partido Magdalo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s