Naic observes “simpler” Flores de Mayo

Mayo 31, 2016 (Martes). Sa pagwawakas ng isang buwang Flores de Mayo, kapansin-pansin ang ilang pagbabago sa kung papaano ipinagdiriwang ng mga taga-Naic ang okasyon. Mai-uugnay naman ang mga pagbabagong ito sa pagdating ng mga bagong kura-paroko sa bayan.

005

Ang pag-aalay sa Birhen ng mga bulaklak mula sa halamanan ng mga Hijas de Maria.

Sa isang homilya ni Fr. Isagani Aviñante, kura ng Parokya ng Inmaculada Concepcion ng Naic, sinabi niyang hinikayat niya ang mga nag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria na magdala ng kani-kanilang bulaklak. Sa mga nakakaraang taon, ang tao o pamilyang nakatakdang mag-alay ng bulaklak sa birhen ay sila mismong nagdadala ng mga bulaklak na ipinamamahagi na lamang sa mga mananampalataya sa simbahan. Sa pamamagitan umano ng pagdadala ng kani-kaniyang bulaklak, mas mararamdaman umano ng isang deboto ang lalim ng pag-aalay, na magsisimula sa kanyang paghahanap o pagkuha ng bulaklak. Gaya ng ipinayo ng kura, naging pangkaraniwang gawain ngayong Mayo ang pag-aalay ng ng mga bulaklak na kalimitang nakukuha sa bakuran ng mga deboto, gaya ng bougainvillea , yellow bell, santan, sampaguita, at calachuchi.

 

Dagdag pa ni Fr. Aviñante, noon umano ay gumagastos ng hanggang 5,000 piso ang may paalay ng bulaklak sa karaniwang araw ng Flores de Mayo. Sa pamamagitan umano ng pagtigil sa pagbili ng mga mamahaling bulaklak, umaabot na lamang sa 1,000 piso ang gastos. Ito naman ang naging daan ng Simbahan sa paglulunsad nito ng proyektong pamamahagi ng school supplies sa mga nangangailangang mga mag-aaral ngayong darating na pasukan. Hinikayat ng Simbahan ang mga mananampalataya, lalo na ang mga nakatipid na nagpapa-Flores, na mga school supplies na lamang umano ang bilhin. Bukod sa pagbili ng bulaklak, nawala na rin umano ngayong taon ang banda musikong natutunghayan araw-araw sa tuwing inililipat-lipat ang eme sa mga nagpapa-Flores.

Kapansin-pansin din ang marami pang pagbabago sa araw na tinatawag ng marami bilang “hermanahan,” o iyong huling araw ng Flores de Mayo. Sa mga nakakalipas na taon, ang mga dating Hermana de Flores na mga yumao na ay may mga humahaliling tagapagdala ng istandarte. Ngayong taon, iminungkahi ni Fr. Aviñante na sa halip na iprusisyon ng mga humahalili, ilalagay na lamang umanong nangakahalera ang mga istandarte ng mga yumao sa harap ng altar. Ayon pa sa kura, sa isang taon umano, kung maaari, ay ilagay na ang mga istandarte sa altar sa unang araw pa lamang ng Mayo. Aalayan umano ng panalangin ang mga pumanaw na hermana, na sa bilang ay mahigit 20 na.

003

Ang pagsasalin ng istandarte ng Hermana de Flores 2016 patungo sa hermana ng 2017.

Kaugnay ng mga istandarte, ipinayo rin ni Fr. Aviñante na sa halip na magarbo, gawin na lamang umano sanang simple ang mga susunod na istandarte. Pinagmasdan umano niya ang mga lumang istandarte at kapuna-puna umano ang kapayakan ng mga yaon. Bukod sa sumasalamin umano iyon sa kapayakan ng birhen, hindi rin umano magiging mahirap ang paghawak nito sa mga nagdadala.

Una naman nang ipinayo ng Parokya sa mga dating naghermana na gawing simpleng puting damit ang kasuotan sa kanilang pagprusisyon sa huling araw ng Flores de Mayo. Tanging ang mga Hermana Mayor na lamang umano sa kasalukuyang tatlong taon ang inaasahang magsusuot ng may kagaraang damit. Maituturing itong malaking pagbabago gayong kilala ang Naic sa magagarbong kasuotan ng mga naging hermana tuwing magtatapos ang Flores. Minsan nang naitampok ang hermanahan ng Naic bilang isa sa mga pinakamakukulay at magagarbong pistahan tuwing Mayo sa Pilipinas.

Sa huli, iminungkahi pa ni Fr. Aviñante, na dahil mabibigat umano ang pananagutan ng mga nangangasiwa sa Flores de Mayo, ay mga edad 50 pababa na ang mga mamumuno sa Hijas de Maria. Ang mga may edad na umanong mananampalataya ay magsisilbi naman umanong mga patnubay ng mga mamumuno.

Sa mensahe ni Gng. Adelina Bernal, kasalukuyang pangulo ng Hijas de Maria, sinabi niyang “tunay na nagkaroon ng malaking pagbabago ng pamamaraan ng pagdiriwang ng Flores de Mayo dito sa aming bayan subalit ito’y upang mapalalim pa ang ating pananampalataya sa Diyos at mapadalisay pang lalo ang ating pag-ibig at pamimintuho kay Maria nang matularan natin siya sa kanyang pagiging isang simpleng babae at dakilang ina ni Kristo.”

Samantala, hindi lamang sa Parokya ng Inmaculada Concepcion naramdaman ang mga pagbabago tuwing Flores de Mayo. Natunghayan din ito sa pagdiriwang ng mga taga-Parokya ng San Isidro Labrador na may simbahan sa baranggay ng San Roque. Walang istandarteng hawak ang mga dating hermana na nagprusisyon ngayong gabi sa lugar. Simpleng kasuotan na rin lamang ang ipinasuot sa mga dating Hermana de Flores.

002

Tagpo sa misa sa Parokya ng San Isidro Labrador para sa huling araw ng Flores de Mayo.

Sa misa ni Fr. Dingh Honrada sa Parokya ng San Isidro Labrador nitong misa bago ang prusisyon, pinagnilayan ang pagdalaw ng Birheng Maria sa pinsang si Elizabeth. Si Maria umano ay dinalaw ang pinsang nangangailangan sa panahong alam na ng una na magiging ina siya ng Anak ng Diyos. Sa ginawa umanong iyon ni Maria, makikita kung gaano ang kanyang kababaang loob. Sa halip umanong magmataas dahil dala niya ang anak ng Diyos, nagpakapagod siya ng ilang araw marating lamang ang nangangailangang si Elizabeth. Gaya umano ni Maria, sa tuwing mapupuspos tayo ng biyaya ng Diyos, ibahagi rin nawa natin iyon sa iba, sa larawang payak at may kababaang loob.

Bago naman ang prusisyon, pinuna rin ni Fr. Honrada ang isa sana sa mga dilag na kasama sana sa prusisyon. Hindi umano nagustuhan ng dilag ang isusuot niyang damit kaya hindi na lamang lumahok. Ayon sa kura, ang Birheng Maria umano ang siyang pinipintuho sa banal na gawain at hindi ang mga mananampalataya. Patuloy na hinikayat ng kura na ang larawan ng payak na birhen ang tularan ng mga kababaihan.

001

Ang Hermana de Flores ng Parokya ng San Isidro Labrador.

Samantala, habang sabay na idinaos ang hermanahan sa poblasyon at San Roque ngayong araw, una nang nag-hermanahan sa Parokya ng Sto. Niño de Bancaan kahapon. Nagsimula ang pag-aalay ng bulaklak sa kabayanan bandang 3:00PM na sinundan ng prusisyon bandang 4:00PM. Isang misa naman ang idinaos sa San Roque pagsapit ng 5:30PM, na sinundan din ng isang prusisyon pagkatapos. Inulan ang prusisyon sa poblasyon habang kagat na ang dilim sa prusisyon sa San Roque.

Hermana de Flores sa Parokya ng Inmaculada Concepcion si Dr. Feliz Pamela Poblete Vasquez; hermana sa Parokya ng San Isidro Labrador si Gng. Donna Vidallo; at hermana sa Parokya ng Sto. Niño de Bancaan si Gng. Daisy Leong.

006

Ang hermanahan sa Parokya ng Sto. Nino de Bancaan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s