25 years ago: Pinatubo ashfall reached Naic

Hunyo 15, 2016 (Miyerkules). Bagaman humigit-kumulang 120 kilometro ang layo ng Naic sa bulkang Pinatubo, naramdaman din ng bayan ang bagsik ng pagsabog ng bulkan 25 taon na ang nakararaan.

d868f5d97c5e8b8f1094f355906b1de4

*internet photo

Matapos ang mga naunang pagputok ilang araw pa lamang ang nakalilipas noong taong 1991, naganap ang pinakamalakas na pagsabog ng Pinatubo noong Hunyo 15. Mag-iikalawa ng hapon, nagsimula noon ang siyam na oras na pagsabog ng bulkan. Bagaman hapon pa lamang noon, ramdam na sa Naic ang nagaganap na kalamidad mula sa Gitnang Luzon. Ayon sa ilang nasa baybaying Naic, ang ika-apat nang hapon noon ay maihahalintulad na ang dilim sa ika-8 nang gabi.

Habang nagbubuga ng mga nagbabagang bato at abo ang Pinatubo, dumadaan naman ang bagyong Diding sa Timog Katagalugan. Dahil dito, humalo ang abo ng bulkan sa nagpapatakang ulan. Kaya naman, sa pagliliwanag ng umaga noong Hunyo 16, 1991, isang naiibang Naic ang natunghayan ng mga mamamayan. Umulan ng abo sa Naic na bumalot sa mga bubong, alulod, halaman, sasakyan at mga kalsada. Tinatayang humigit-kumulang isang talampakang kapal ng basang-basang abo ang tumabon sa mga daan. Ang mga bahay na bukas ang bintana, pinasok din ng abo. Namuti ang sahig ng mga bahay, at pinasok maging ang mga kulambo na nagpaputi sa mukha ng ilang natutulog na taga-Naic.

Pangunahing tagpo sa Naic noon ang paglilinis sa pumatak na abo. Halos sabay-sabay ang mga taong nagwawalis ng mga bahay, nag-aalis ng bumarang abo sa mga pansol, at nagpapala ng makapal na abo sa mga daan. Kinulang ang mga pala kung kaya may mga gumawa na ng kani-kanilang pala mula sa mga kahoy at tabla.

Iginilid sa kalye ng mga taga-Naic ang mga abo habang ginawa itong panambak ng ilan. May ilang naniniwalang pataba sa lupa ang abo kung kaya may mga naglagay nito sa mga paso at halamanan. Dahil matalas umano ang abo kapag basa, ginawa naman itong panghugas ng mga puwet ng kawali at kaldero sa ilang bahayan.

Ilang araw makalipas ang bagyo, suminag na ang araw. Dahil dito, natuyo ang basang abo na nagdulot ng alikabok sa paligid. Karaniwan namang tagpo noon ang mga taga-Naic na may mask sa bibig at ilong. Karamihan ay gumamit ng mga tinahing mask mula sa mga retaso ng tela. Karaniwan din ang nagtataklob ng mukha gamit ang mga tshirt.

Ang pagsabog na iyon ng bulkang Pinatubo ay itinuturing na ikalawa sa pinakamalakas noong nagdaang siglo. Hindi nakapagtatakang umabot sa Naic ang abo nito gayong nakarating pa ang abo nito hanggang sa Karagatang Indian. Humalo ang abo sa ulap ng daigdig na nagpababa sa temperatura ng buong mundo ng may halos 1°C hanggang taong 1993. Pinaniniwalaang may kinalaman sa naganap na pagsabog ng bulkan ang malakas na lindol sa Luzon noong 1990. Naramdaman din sa Naic ang naturang lindol.

Habang ito ang pinakasariwa at pinaka-komprehensibong pagtatala ukol sa pag-ulan ng abo sa Naic, hindi naman ito ang unang pagkakataon na naranasan ang ganito sa bayan. Naitala sa mga aklat-kasaysayan na umulan din ng abo sa Naic noong 1831. Tanging binanggit na nagdulot ito ng takot sa mga mamamayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s