The history of Naic leaders: From ‘Teniente Alcalde’ to ‘Municipal Mayor’

Hunyo 29, 2016 (Miyerkules). Ang sumusunod na salaysay ay ang binasang panimula sa ginanap na Panunumpa ng mga Halal na Opisyal ng Naic kaninang umaga. 

Sa pag-usbong ng sibilisasyon at pagsulong ng Naic tungo sa pagiging matatag na bayan ngayon, hitik ang ating kasaysayan sa mga kwento at karanasan tungkol sa mga naging pinuno at lider ng bayan.

mayorgov copy

Si Mayor Junio Dualan, katabi ang kanyang maybahay, habang nanunumpa sa nagsilbing Tagapagtalagang si Gob. Juanito Victor Remulla, Jr.

Naitalang si Francisco Bargas ang siyang naging unang Teniente Alcalde ng noon ay malawak na asyendang Naic. Si Bargas ay tinaguriang Matanda sa Nayon mula 1789 hanggang sa humiwalay na ang baryong Naic sa Maragondon noong 1791. Kapagdaka ay sinundan siya ni Basilio Awa bilang kauna-unahang Gobernadorcillo nang maitatag na ang Naic bilang isang pueblo.

Sa pagsusuri ng mga historyador, masasabing may sistema at pamamaraan nang sinusunod ang pulitika sa Naic noon pa mang ika-18 daang taon. Pinatutunayang sa ilalim ng Pamahalaang Kastila ay may nahalal nang punongbayan sa Naic noong 1839. Ginaganap ang halalan sa Tribunal ng Naic na pinagbobotohan ng mga Cabeza de Barangay o di kaya ay ng mga prinsipalya o mga kilalang personalidad ng bayan. Ayon sa pangkalahatang batas noon ukol sa halalan, kinakailangang magaling ang maihahalal. Madalas na kabilang sa mga namumuno sa halalan ang mga kura-paroko ng Simbahan.

Kabilang sa mga natatanging pangyayari sa sinaunang pulitikang lokal ay ang tatlong ulit na eleksyon noong 1843; ang pagbaba sa puwesto ng halal na si Proseso Arenas dahil sa sakit noong 1879; ang pagpanaw ni Catalino Jocson habang nakaupo sa pwesto noong 1892; at ang pagtatabla sa tig-labingisang boto nina Cristobal Bustamante at Crispulo Jocson noong 1893.

Habang mayaman sa kwento ang kasaysayan ng halalan, samu’t saring hamon din naman ang kinaharap ng ating mga naging punongbayan. Noong panahon ng Kastila, hamon para sa maraming naging gobernadorcillo ng Naic ang pananalakay ng mga tulisan sa bayan. Sa kasagsagan ng tulisanismo noong panahon ni Gobernadorcillo Juan Villamor, ipinag-utos niyang lisanin ng mga apektadong taga-malayong Malainen ang baryo at manirahan malapit sa poblasyon. Dito nag-ugat ang pagkakaroon ng Malainen Luma at Malainen Bago.

Samantala, naging katuwang mismo ng pamahalaang probinsyal ang Capitan Municipal na si Leoncio Velasco sa ebalwasyon ng kalidad ng edukasyon sa Naic noong 1896. Malaking hamon naman kay Cristobal Bustamante na itaguyod ang himagsikan sa Naic nang sumiklab ang rebolusyon at mahalal siyang muli bilang punongbayan. Sa patuloy na pag-usad ng kasaysayan, nagkaroon ng reorganisasyon ng pamahalaang lokal sa panahon ng Amerikano. Sa Naic ay tinanggap nina Marcial Vasquez, Blas Cena at Cristobal Bustamante ang tungkulin bilang Presidente Municipal. Sila ang nagsilbing tulay para sa mga Amerikano upang magkaroon ng ugnayan ang pamahalaang bayan, ang mamamayan at pamahalaang insular. Malaki rin ang ginampanan ni Mayor Emilio Arenas sa Naic nang sumiklab ang Ikalwang Digmaang Pandaigdig. Sinubukan niyang makipagpalagayang loob sa mga Hapon habang nakikipag-ugnayan sa mga gerilya. Humantong pa ang kanyang mga ginagawa sa bayan sa pagdakip at pagkulong sa kanya ng mga mananakop.

Hanggang sa makabagong panahon, patuloy na umuukit sa kasaysayan ang mga dumarating na punongbayan. Sa nakalipas lamang na 60 taon, nagkaroon tayo ng alkaldeng nanungkulan sa pinakamahabang terminong 21 taon; pinakamaiksing terminong pitong buwan; at dalawang babaeng punongbayan.

Sa pagpapatuloy rin ng makabagong panahon, lumawak pa ang mga hamong kinakaharap ng mga naglilingkod sa Naic. Malaki ang tungkuling hinahawakan ng nagiging punongbayan sa pamahalaang may kinalaman sa agrikultura, pangisdaan, kalikasan, transportasyon, edukasyon, pagnenegosyo, industriyalisasyon, kalusugan, kapayapaan, trabaho, turismo, kultura, kagalingang panlipunan at marami pang iba.

Sa pagkakataong ito, matutunghayan at masasaksihan natin ang panibagong yugto ng ating kasaysayan sa pamahalaan. Sa ating panahon ay mayroon tayo ngayong mayor na sa tuwina ay pinagkakatiwalaan ng ating bayan. Mula nang siya ay tumakbo sa Sangguniang Kabataan, hanggang sa pasukin ang Sangguniang Bayan bilang Konsehal at Vice Mayor, at tumakbo sa kanyang unang termino bilang mayor, lagi siyang nahahalal, tanda ng tiwala sa kanya ng bayan.

Sa pagkakataong ito, mayroon tayong mayor na walang kalaban sa nagdaang halalan. Samahan natin siya sa panibagong simula ng kanyang pagpapatuloy bilang punongbayan. Samahan din natin siya sa mahalagang araw na ito ng kanyang ika-58 kaarawan.

Sanggunian:

Cavite Studies Center Archive
Naic Cavite Online Archive

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s