Naic cops conduct ‘Oplan Tokhang,’ talk to illegal drugs personalities

Hulyo 6, 2016 (Miyerkules). Oplan Tokhang. Kasabay ng pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay umusad din hanggang Naic ang Oplan Tokhang na inilunsad ng bagong upong si Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa.

z05

Ilang tagpo sa isinagawang Oplan Tokhang sa Bancaan.

Ika-4 ng Hulyo nang ipakilala sa pulong ng Liga ng mga Baranggay ng Naic ni PCI Chito Basilio Macaspac, OIC, ang tungkol sa Oplan Tokhang. Ayon sa MindaNews Website, ang “tokhang” ay mula sa mga salitang “toktok” at “hangyo” na nangangahulugang “katok” at “pakiusap.” Pakay sa pagsasabansa ng programang ito, na sinimulan noon ni dela Rosa sa Davao, na katukin at pakiusapang tumigil ang mga hinihinalang may kaugnayan sa pagtutulak, paggamit at pagdadala ng mga iligal na droga. Ayon pa sa MindaNews, kinukuha umano ng kapulisan ang listahan ng mga drug personalities mula sa Baranggay, na bineberipika naman ng Police Intelligence Unit. Samantala, tinalakay rin ni Macaspac sa nabanggit na pulong ang papel ng mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa paglaban sa iligal na droga ayon sa DILG MC No. 2015-63.

Sa Facebook account na “Pcr Naic,” kung saan matutunghayan ang iba’t ibang aktibidad ng mga kapulisan ng bayan, matutunghayang una nilang ipinaskil ang tungkol sa Oplan Tokhang noong Hulyo 1, isang araw matapos manumpa sa pwesto si Pangulong Duterte. Ayon sa post, bandang 9:30 nang umaga nang magsagawa ng campaign rally ang kapulisan, sa pamumuno ni Macaspac, sa Ibayo Silangan. Layon umano ng gawain na ipabatid sa pamayanan ang kampanya ng PNP kontra-krimen at iba pang iligal na gawain sa Naic. Nakatuwang umano rito ng kapulisan ang pamahalaang baranggay ng Ibayo Silangan.

Kinahapunan, unang araw pa rin ng Hulyo, ipinaskil din sa “Pcr Naic” na isinagawa naman ang Oplan Tokhang sa Timalan Concepcion. Pinamunuan ni PSI Ricardo Beltran Frani, DCOP, ang gawain sa naturang baranggay. Ayon pa sa post, nagbahay-bahay sa mga pinaghihinalaang drug personalities ang mga pulis katuwang ang BADAC ng Timalan Concepcion. Hinimok umano ang mga hinihinalang drug personalities na itigil na ang kanilang mga iligal na gawain.

Gaya sa Timalan Concepcion, pinamunuan din ni Frani ang pagbabahay-bahay sa mga hinihinalang drug personalities sa Bucana Sasahan noong Hulyo 5, umaga. Si Macaspac naman ang muling nanguna sa pagpapatuloy ng Oplan Tokhang kaninang umaga sa Bancaan. Gaya sa mga naunang baryo, nakatuwang ng kapulisan ang mga pamahalaang baranggay sa Bucana Sasahan at Bancaan. Ayon sa ilang residente ng Bancaan, matiwasay naman umanong naisagawa ang Oplan Tokhang sa kanilang baranggay.

Natunghayan naman sa mga pag-iikot ng Oplan Tokhang ang bitbit na plakard ng mga lumahok. Kabilang sa laman ng mga plakard ay, “Ako, Ayoko sa Bawal na Droga,” “Walk Away from Drugs,” “We Support the PNP Anti-Illegal Drugs Campaign Plan Project Double Barrel,” “Say Yes to Life, Say No to Drugs,” “Drugs: You Use, You Lose,” “Baranggay Ko Ayaw sa Droga,” “Illegal Drugs Can Kill, Stop Using It,” at “Choose to Refuse from Drugs.”

flyer

Halimbawa ng flyer na ipinamimigay ng mga pulis-Naic kontra-droga. Mula ito sa Facebook account na “Pcr Naic.”

Samantala, batay sa “Pcr Naic,” matutunghayang bago pa ang Oplan Tokhang, aktibo nang nag-iikot sa mga baranggay ang kapulisan bilang bahagi naman ng “Oplan Lambat Sibat” na inilunsad bago magwakas ang administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III. Nakikipag-ugnayan ang kapulisan sa mga opisyal ng baranggay, at namimigay ng mga babasahin sa mga mamamayan upang ikampanya ang paglaban sa krimen at iligal na droga. Layon din nitong himukin ang buong komunidad na makiisa sa pagsugpo sa iligal na droga at krimen.

Matatandaang bago ang halalan nitong Mayo, sa pangangalap ng Naic Cavite Online (NCO) ng mga isyung nais ipaabot ng bayan sa mga tumatakbo para sa lokal na posisyon, lumutang na isa ang droga sa mga sinasabing pangunahing suliranin ng Naic. Bahagi ng liham na ipinadala ng NCO sa mga kandidato nitong halalan ay sinabing “pinatototohanan po ng maraming nagpadala ng tanong sa NCO na nakapapasok ang droga sa kani-kanilang baranggay. Kung pagbabatayan po ang mga ulat at patotoo, maituturing pong talamak ang droga sa Naic.”

Kabi-kabila ring iniuulat ang Naic sa mga pahayagan at balitaang pantelebisyon sa mga nakalipas na buwan at taon dahil sa mga iligal na droga at krimeng nag-ugat dito. Kabilang sa mga pinakahuling ulat ay ang report ng Abante nitong Enero 21, tungkol sa pagkakadakip ng tatlo umanong tulak ng droga sa Halang at San Roque. Iniulat din ng Abante na dalawang babae ang nadakip din sa Bucana Sasahan matapos tangkaing magbyahe ng shabu. Kasama rin ang Naic sa iniulat ng Philippine Daily Inquirer sa mga bayan at lungsod sa Cavite kung saan sabay-sabay na nag-raid hinggil sa droga ang kapulisan noong Hulyo 1.

Kaugnay pa, noong Hulyo 1 rin ay isang bangkay naman ng lalaki ang natagpuan sa Labac. May karatula ang bangkay na nagsasabing huwag siyang tularan dahil siya ay isang adik. Hindi umano taga-Naic ang biktima.

Samantala, ang mga aksyong tinalakay kontra-krimen ay bahagi ng plataporma ni Pangulong Duterte noon pa lamang panahon ng kampanya. Masasabing suportado ng Naic ang pangulo matapos siyang manalo sa bayan sa botong 17,614 (38%) noong halalan.

2 thoughts on “Naic cops conduct ‘Oplan Tokhang,’ talk to illegal drugs personalities

  1. Salamat kung masusugpo ang talamak na droga sa bayan ng Naic.sana maging maayos ang kampanya laban sa droga sa bayan na ito para hinde na kami mangangamba sa mga anak namin.salamat Digong!!

  2. Masaya poh ko nnnaumpisahan n ng mga oficial ng naic at kapulisan ang pg sugpo ng druga..sugest ko poh mgbahy bhay din poh sila s malainen bago at luma..molino..tlamak din poh ang druga dun…katunayan n poh jn ng mahedline sa buong pilipinas n my narape n bata s likod ng mlainen elem.school..fhil s druga..n hanganng ngayon pgala gala p tin ang rapist..at mandatory ang drugtest s lahat ng oficial ng naic ..mula muncipyo..brangay..trafic inforcer.tanod at kapulisan…
    Sana matugunan nyo ang suggest ko..pra mgkalaman kung sino ang totoong walng bahid bg druga..at panagutin at tanggalin s serbisyo ang mgpositive..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s