Naic mourns Miriam Defensor-Santiago’s passing

Oktubre 2, 2016 (Linggo). Nagluluksa ang maraming taga-Naic sa pagpanaw ni Senador Miriam Defensor-Santiago na minsan nang nakarating sa bayan.

miriam-3-660x394

Pagdalaw ni Miriam sa Naic

Minsan nang nakarating si Miriam sa Naic noong Marso 31, 2006 bilang Tagapagsalita sa Pagtatapos ng mga mag-aaral ng Western Colleges. Sa kanyang mensahe noon, sinabi niyang kung magkakaroon ng charter change, isusulong niya ang pag-amyenda sa isang bahagi ng Konstitusyon upang kailanganing tapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo ang sinumang tatakbo sa halalan. Ayon sa ulat noon ng Philippine Daily Inquirer (PDI), nais umano ni Miriam na mapataas ang pamantayan sa mga inihahalal na opisyal upang mapaunlad ang serbisyo-publiko.

Bago ang pagiging panauhin sa Western Colleges, ayon pa rin sa PDI, isang linggong liban si Miriam sa Senado dahil sa kondisyon sa puso. Subalit ayon sa kanya, “I never cancel a speaking engagement, no matter how sick I am.”

Boto ng Naic kay Miriam

Sa huling pagtakbo ni Miriam sa panguluhan nitong 2016, nasa 4% lamang ng bumotong mga taga-Naic ang kanyang nakuha sa bayan. Katumbas ito ng botong 1,663, kumpara sa mga nakalabang sina Rodrigo Duterte, may botong 17,614; Grace Poe, 12,017; Jojo Binay, 8,867; at Mar Roxas, 5,180.  

Sa kabila nito, bakas sa mga taga-suporta ni Miriam ang buo at paninindigang siya ang dapat maging pangulo. Matapos ang halalan, sinabi ni MJ, taga-Naic na bumoto sa kanya, “I really do not know what’s happening to this country. Sobrang nakakalungkot. Yung sakit na nararamdaman ko ngayon, mas matindi pa sa heartache.”

Bagaman hindi nagwagi si Miriam sa Naic nitong 2016, makikita naman ang suporta sa kanya ng bayan nang huli siyang tumakbo bilang senador noong 2010. Sa partial at unofficial na datos noong 2010, sa kabuuang 80% ng mga nabilang na boto, may mahigit 14 na milyong boto si Miriam sa Cavite. Salamin ito ng hawig at karaniwang pattern sa kung papaano bumoboto ang Naic kumpara sa buong lalawigan.

Nagluluksang Naic

Sa pagpanaw ni Miriam nitong umaga ng Huwebes, Setyembre 29, mabilis na nagpahayag ng kani-kaniyang pagdadalamhati ang maraming taga-Naic sa social media.

Sa usapan ng magkaibigan sa Facebook, sinabi ni Mark Ian na hindi niya kinaya ang pagkawala ni Miriam. “Heartbreaking” umano ang balitang ito sagot naman ng kaibigan niyang si Abegail.

Sabi ni Keanno, sa kabila ng mga sinasabi ng ibang pag-aaksaya ng boto ang pagpili kay Miriam sa halalan nitong Mayo, nanindigan pa rin siyang si Miriam ang dapat na maging pinuno ng Pilipinas. Kaya naman, mapayapa umano siyang makapagluluksa sa itinuturing niyang bayani.

Pasasalamat naman ang ipinararating ni Dave Angelo sa namayapang senador. Ayon sa kanya, “maraming salamat sa kabutihan mo, salamat dahil sa kabila ng hirap na pinagdaraanan mo e sinubukan mo pa ding pamunuan ng bansang pinakamamahal mo. Ikaw ang pinakamagaling sa kanilang lahat at ikaw din ang pinakahinahangaan ko.”

Habang idolo para kay Jehoshua si Miriam, reyna naman siya para kay Alyssa. Ayon pa kay Alyssa, si Miriam ang reynang hindi nagkaroon ng pagkakataong pamunuan ang kanyang kaharian.

Sinadya naman ni Jhellay at ng kanyang kapatid ang mismong burol ni Miriam sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City. Ikinalulungkot umano ni Jhellay na sa ganoong pagkakataon niya unang nasilayan ang senador. Panalangin din niya ang kapayapaan ng kaluluwa ni Miriam.

Sa tanong ng Naic Cavite Online sa bayan kung papaano nila maaalala si Miriam, sinabi nina Mikko, Joesell at Marjorie na maaalala nila ang senador sa mga pickup line nito. Tila iisa naman ang sinasabi nina Cherzey, Benito at Joyciel, palaban at walang kinatatakutan si Miriam. Ayon kay Emmanuel, si Miriam ay “isang babaeng mas iniisip pa ang kapakanan ng bansa kaysa sa kanyang sarili. Walang hinahangad kundi ang pag-unlad.”

Nakatakdang ilibing si Miriam ngayong hapon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s