Brief History of Naic Civilization: 321 Years of Transformation

Sa loob ng mahabang panahon ay nasaksihan at dinanas ng Naic ang iba’t ibang pagbabago at transpormasyon.

Isang lumang larawang kuha sa Poblasyon ng Naic. Matutunghayan ang sinaunang plaza kung saan naroroon ang entabladong tinatawag na “kiosko.”

Taong 1693 nang gawin ng mga prayleng asyenda ng mga tubo at palay ang Naic, na noon ay isa lamang baryo. Pinangasiwaan at pinagmay-arian ng mga pribadong sektor at indibidwal ang buong asyenda sa mahabang panahon. Nahati ang baryo sa mga nayon na noong 1782 ay binubuo ng tatlo: ang Balete, Malamig na Tubig, at Barra (ipinagpapalagay na bahagi ngayon ng Ternate). Isang sityo ang umusbong sa bahagi ng Muzon na itinuturing na kabisera ng buong baryo noon.

Isang tagpo sa sakahang sakop ng Labac.

Isang tagpo sa sakahang sakop ng Labac.

Sa pagdami ng populasyong taal mula sa mga bayan ng Maragondon at San Francisco de Malabon (Gen. Trias ngayon) ay ganap nang itinalagang bayan ang Naic noong 1791. Sa kalapitan ng Muzon sa poblasyon ng Maragondon, napagpasyahang ilipat sa hilagang silangan ang kabayanan noong 1798, at ito na ang kasalukuyang poblasyon.

Mahigit 200 taon na ang nakalilipas, inilalarawan ang kasalukuyang poblasyon bilang maburol, magubat at masukal. Nagligaw rito ang mababangis na usa at baboy-ramo. Walang ibang maririnig sa lugar kundi ang alulong at kaluskos ng mga hayop.

Mula Muzon, mahihinuhang naganap ang isa sa mga pinakamalalaking bayanihan sa Naic. Binaklas ang mga kabahayan at kagamitan, maging ang kauna-unahang simbahan, upang buhatin ng buong bayan tungo sa kinalalagyan ng poblasyon sa kasalukuyan.

Gamit ang kamay ng mga unang taga-Naic, ginapas at hinawan ang masukal na bayan. Sumilang ang mga unang daang-tao at kalsada. Pinagtibay ang mga bahayan at simbahan sa Naic, at natunghayan sa poblasyon noong ika-18 daantaon ang pagsasabato ng mga naroroong istruktura. Ipinagawa ng Simbahan ang mga dam na pinagmulan ng patubig at bumuhay sa mga lupang sakahan.

Mula sa poblasyon ng Naic, itinindig ang simbolo at luklukan ng kapangyarihan—ang Casa Hacienda de Naic (Naic Elementary School ngayon). Nagsilbi itong himpilan ng mga prayle. Kalapit nito ang napakalaking kamarin o bodega kung saan inilalagak ang libu-libong sako ng mga palay na inaani sa buong asyenda.

313293_263411257103465_1683888700_n

Isang lumang larawang kuha mula sa Balsahan.

Mula sa poblasyon ng Naic, humaba at kumawing ang mga kalsadang nagbubuklod sa buong Naic at mga karatig-bayan. Taong 1837 nang pasimulan ang kalsadang Poblasyong Naic at Labac. Mabilis na ring nararating ang San Roque nang maitatag itong baryo noong 1876. At, bago pa naging bahagi ng Naic ang Timalan ay buhay na rin ang daang Naic-Santa Cruz de Malabon (Tanza ngayon) noong 1891. Patuloy na pinatag ang maraming bahagi ng bayan upang hindi lamang maging daanan ng mga tao, kundi maging ng mga alagang hayop gaya ng kalabaw, baka at kabayo. Ang paglalakbay sa Naic na karaniwang sa pamamagitan lamang ng tubig, sa mga byaheng Balsahan at Bancaan o Sapa at Bucana, umabot na sa tagpong binubuhay na rin ng mga paragos, karitela, at paglaon ay kalesa.

Ang pinag-isang kapangyarihan ng Simbahan at Pamahalaan noong Pananakop ng Espanya ay pinaghiwalay nang sakupin ang Pilipinas ng Amerika. Pinasigla ang mga pampublikong paaralan at ipinakilala ang konsepto ng halalan. Pinaunlad ang sistema ng komunikasyon sa pamamagitan ng paglalagay ng post office sa munisipyo.

Samantala, ang sukdol-lawak na asyenda ng Naic ay ipinamahagi ng pamahalaang kolonyal sa mga magsasaka. Mula noon, dumami sa Naic ang may kakayahang mag may-ari ng mga lupa sa bayan.

Higit pang nagbilis ang daloy ng mga tao at kalakal nang buksan bandang 1906 ang tren na nag-ugnay sa Naic at Paco, Maynila. Sa ganito nabuo ang mga tawag sa Naic na Tramo at Estacion.

149446_222858804492044_5740765_n

Isang tagpo sa halalang bayan noong 2007.

Naantala ang pagsulong ng Naic nang sumiklab ang Ikalwang Digmaang Pandaigdig. Nawasak ang mga tulay, simbahan at ilang establisyamento matapos paulanan ng bomba ang bayan. Nagmistulang ghost town ang Naic matapos itong lisanin ng mga mamamayan.

Mula sa kaguluhan, unti-unting bumangon ang bayan. Matapos ang gyera, tatlo ang itinuturing na mga pangunahing tindahan sa Naic, na pag-aari lahat ng mga Intsik—ang tablerya ng mga Tua, ang mamihan ng mga Chuson, at ang sari-sari ng mga Dy. Kapagdaka ay pinasigla ang pamilihang bayan na tagpuan ng mga nasa matataas na bayan at mabababang bayan ng lalawigan.

Sa serbisyo ng Communication and Electricity Development Authority o CEDA, dumaloy ang kuryente sa Naic. Nagliwanag ang mga bahayang dati ay pinaaandapan lamang ng mga peruk-perok at gasera. Sumilang ang mga negosyo gaya ng bangko sa pagbubukas ng Rural Bank noong 1956; sinehan, sa pagbubukas ng Dalisay Theater noong 1957; bukod pa ang mga lokal na negosyo gaya ng mga patahian, panaderya, botika, klinika at kung anu-ano pa.

Liga ng basketball sa Munting Mapino.

Kaagad na ipinatayo ang Western Cavite Institute (Western Colleges ngayon) noong 1945. Sinundan ito ng Cavite Community Academy noong 1946. Nadagdagan ang mga pribadong paaralan nang itayo ang Immaculate Concepcion School noong 1977. Hindi naman na kinailangang lumayo ng mga taga-Naic na hangad magtapos sa pag-aaral nang maitindig ang pampublikong Cavite School of Fisheries (Cavite State University Naic ngayon) noong 1961. Ilang dekada ang lumipas, pinalawak ang pampublikong edukasyon sa Naic sa pagbubukas ng mga pambansang matataas na paaralan sa iba’t ibang baryo ng bayan gaya sa Halang, Labac, Bucana Sasahan at Sabang.

Ang mga kabataan, na bago pa nahumaling sa mga DOTA at Clash of Clans, ay may mga magulang, lolo at lola na una nang inaliw ng mga larong palosebo, akyatan sa puno, tumbang preso, habulan at taguan. Bago pa ang Facebook at internet ay nagpasabik na noon ang mga pocketbook at komiks na subaybayin at wakasan. Bago pa ang mga 7-11, Jollibee, McDonald’s at Red Ribbon ay binusog na ang Naic ng Choleng’s mamihan at Rochelle’s Restaurant. At, bago pa kuminis at gumanda sa mga filter ng Camera 360 at Instagram ay una nang nariyan ang mga sikat na Jossie’s Beauty Salon at Olga’s Beauty Parlor.

179964_228092183968706_1368690669_n

Pagdiriwang sa Naic ng Araw ng Kalayaan noong 2008.

Ang transpormasyon ng Naic ay mababanaag sa mga pinagdaanan nitong pagbabago sa pananampalataya, pulitika, heograpiya, kalakalan, komunikasyon, transportasyon, edukasyon, kultura, at mga mamamayan.

Ang sulyap na ito sa 321 taon ng mga pagbabagong sinuong ng Naic ay palatandaan lamang na sumisigla at nagbabago tungo sa pagsulong ang bayan.

Sources:
Cavite Studies Center Archive
Naic Cavite Online Archive

Typhoon Glenda leaves Naic in state of calamity

Tagpo sa Tulay ng Kay-Alamang habang binabayo ng hangin ni bagyong Glenda na nasa 120kph ang bayan ng Naic.

Matapos ang may sampung oras nang umaalulong at nagngangalit na hanging dala ng bagyong Glenda sa Naic, naiwan ang buong bayan na halos paralisado.

(Basahin ang paghahanda ng Naic para sa bagyong Glenda).

Pananalasa ng bagyong Glenda sa Naic

Gabi pa lamang ng Martes (Hulyo 15) ay laman na ng mga balitaan ang pagtataas ng babala hinggil sa bagyo. Alas-onse ng gabi, tuluyan nang napabilang ang Cavite sa signal number 3. Inaasahang direktang dadaanan ng bagyo ang Cavite sa mga susunod na oras.

Bandang alas-dos ng madaling araw, Miyerkules na (Hulyo 16), nagising ang marami at nagsimulang mangamba ang mga nanatiling gising nang magparamdam na si Glenda. Sumisipol ang hangin nito na naririnig sa iba’t ibang dako ng Naic. Kasunod ng pangamba ay nanalangin ang marami habang nasa kani-kanyang bahay—sa mga kanayunan, kabukiran, pangisdaan, kabayanan, at mga kasuluk-sulukan ng Naic.

Hindi na nakatulog ang marami nang ang umaandap at numinipis na daloy ng kuryente ay tuluyang nawala pagsapit ng pasado alas-tres. Isa na ito sa mga pinakamadidilim na gabi para sa mga taga-Naic. Nagpamalas ng higit pang lakas si Glenda habang naghahari ang karimlan sa bayan. Sa bawat oras na lumilipas ay tila higit pang lumalakas ang hanging dala ng bagyo. Sa mga ulat, tinatayang nasa 120kph ang hanging inihambalos ng bagyo sa Naic. Hindi na lamang sumisipol ang bagyo, inilarawan na ng ilan ang hangin bilang umaalulong.

Sa pagngangalit ng hangin, kasabay na maririnig ang kung anu-anong bagay na inililipad, inihahampas at iwinawasiwas nito. Sa mga kalampag ay maririnig ang ingay ng tila inihataw o inilaglag na timba, tangke ng tubig, yero, alulod, sanga ng puno, palapa ng niyog, buko, tarapal, bintana, at kung anu-ano pa. Habang hindi tiyak ng marami ang delubyo sa dilim, liwanag ng umaga na lamang ang hinihintay ng lahat. Isa na rin ito sa mga pinakamahahabang madaling araw ng mga taga-Naic.

Habang bumabayo ang hangin, tinanggap ng Naic Cavite Online (NCO) ang ulat na walang humpay na ang pagpapatunog ng sirena sa Munting Mapino. Ilang bahay na umano ang buung-buong nilamon ng dagat roon. May ulat ding lumikas na sa isang paaralan ang mga taga-Bucana Sasahan.

Bumagsak ang isang puno ng mangga sa ilang silid-aralan ng Naic Elementary School.

Bumagsak ang isang puno ng mangga sa ilang silid-aralan ng Naic Elementary School.

Nag-aangatan na ang bubong ng ilang kabahayan, habang yaong yari sa magagaang na materyales ay agad nang sinalimpad. May ganitong tagpo sa kabayanan—sa mga kalye ng Gomez, Pelaez at Rizal. May ganito ring tagpo sa mga baryong Bagong Kalsada, Muzon, Malainen at Halang.

Unang oras pa lamang ng bagyo, humapay na ang mahihinang puno gaya ng mga papaya at saging. Iisa ang direksyon ng mga humilig na puno ng saging sa kahabaan ng Sapa at Timalan. Pinakikinggan ng ilan ang langitngit ng mga puno malapit sa kanilang mga bahay. Nabiyak ang isang malaking puno ng mangga sa Naic Elementary School. Habang nanatiling nakatindig ang kalahati nito, bumagsak naman ang kalahati pa sa mga bagong silid-aralan sa eskwelahan. Higit namang mas malaki ang puno ng mangga na buung-buong nabuwal sa buhangin at bumagsak sa kantina at home economics building ng Bancaan Elementary School. Nabuwal din ang matandang puno ng himbabao sa entrada ng Cavite State University Naic (CvSU Naic) at idinamay ang katabing poste ng kuryente. Nangabali ang malalaking sanga at yumukod ang malaking punong nasa tuktok ng Sapa Public Cemetery. Natipak naman ang sementadong lupa na pinagtataniman ng nabunot na puno sa harap ng Everlasting Cemetery. Karaniwan sa halos lahat ng panig ng Naic ang pagkabuwal ng mga puno at poste ng kuryente. Itinago ng karimlan kung papaano nabuwal ang mga puno sa kahabaan ng Calubcob hanggang Palangue, pati na sa Molino at Sabang.

Tumambad ang pinsala ni Glenda

Apat na oras nang humahagupit ang hanging dala ni Glenda. Dala ng puyat at takot ay pagod na ang marami sa Naic. Gayunman, tila hindi pa nauubos ang lakas ng bagyo. Lumiliwanag na at tumatambad na ang lawak at tindi ng pinsala ni Glenda.

Mula sa mga siwang ng bintana ay matutunghayan ang nagkalat na mga dahon at sanga sa daan. May ilang yerong nagkalat. Sa kapitbahayan ay makikita ang naglambiting mga pansol at alulod, natumbang mga antenna, at nangabasag na mga paso ng halaman.

Bago tuluyang humupa ang hangin pasado alas-syete ng umaga, nagpamalas pa ng nag-ibayong lakas si Glenda. Sa siwang ng isang bintana ay makikita ang isang babae sa Kanluran na nakabitin sa pamakuan ng kanyang bahay, tila nakikipag-agawan kay Glenda na iniaangat naman ang kanyang bubungan. Naglaho si Glenda at bumitiw na sa pamakuan ang taga-Kanluran.

Pumayapa ang hangin. Nawala ang ulan at manaka-naka na lamang ang pag-ambon. Sa unang pagsisiyasat ng NCO, natunghayan ang pinsala ng bagyo sa kabayanan. Basag ang ilang ilaw sa liwasan. Wasak ang pansol ng covered court. Bumagsak at nabasag ang imahe ng isang anghel na nasa isang poste sa harap ng simbahan. Bumukas ang bintana ng maliit na simboryo, o iyong mala-dome sa tuktok ng simbahan.

Basag ang isang imahe ng anghel sa simbahan ng Naic matapos itong ilaglag ng hangin ng bagyo.

Basag ang isang imahe ng anghel sa simbahan ng Naic matapos itong ilaglag ng hangin ng bagyo.

Hindi nakaligtas ang mga signboard ng iba’t ibang establisyamento. Basag at bumagsak ang signage ng MCYL Resto Bar. Nalaglag din ang sign board ng McDo sa drive thru nito. Napahiga naman ang mahabang signage ng Eastwest Bank. Isa rin ang ganitong tagpo na karaniwang matutunghayan sa Naic.

Bumigay naman ang ilang pader at bakod dahil sa lakas ng hangin o kaya ay nabagsakan ng mga punong nabuwal. Halimbawa nito ang natibag na pader sa kanto ng Luna, ang nagpira-pirasong adobeng bakod sa Jocson, at ang bakal na bakod sa gilid ng Tulay ng Kay-Alamang.

Sa patuloy na pag-iikot ng NCO, natunghayang natiklap ang mga yero sa likod ng kiskis sa Zamora. Sa Burgos naman ay naabutan ng NCO ang mga kalalakihang tulung-tulong na kinakalas ang isang buong bubong ng garahe, kasama ang pamakuan nito, na bumalandra sa mismong kalye.

Patuloy na tinanggap ng NCO ang mga ulat ukol sa pagbabaha sa Labac. Naglampas tuhod na rin umano ang baha sa may Bancaan. Isang van pa sa Bancaan ang nabagsakan ng puno. Sinalimpad ang ilang bubong sa court ng huling baryong nabanggit. Basag ang mga salaming bintana sa isang gusali ng CvSU Naic. Wasak ang ilang bubong sa San Roque Elementary School. Ilang museleo sa sementeryo sa San Roque ang nasira.

Karaniwan ding tagpo ang pagwawalis ng mga tao sa daan. Tumpuk-tumpok ang naiipong mga dahon. Tinataga ang malalaking punong humarang sa daan. Hinahanap at ibinabalik pauwi ng mga tao ang nilipad nilang mga yero. Kabi-kabila ang pukpukan upang kumpunihin ang mga nasira at mapagtibay pa ang mga bahay.

Habang inaakala ng maraming tapos na ang bagsik ni Glenda, nanumbalik ang pangamba nang bandang alas-nwebe ay lumakas na naman ang hangin. Nagdilim muli ang kaulapan at bumuhos ang malakas na ulan.

Nagbalik si Glenda. Inabot ng bagsik nito ang lupon ng NCO na nangangalap ng ulat sa bayan. Mula sa mga kalye ng Ibayo Silangan, Gomez, Pascual Poblete at Capt. C. Nazareno ay kitang-kita ng NCO kung papaano itinutulak ng hangin ang mga nakaparadang tricycle; napupunit ang may mga pilas ng tarpaulin; kumakalampag ang mga yero; nagbaligtaran ang payong ng mga nasa daan; at nagsikubli sa mga ligtas na lugar ang ilan pang inabutan ng ikalwang bagsik ni Glenda. May mga sandaling walang makikita sa paligid kundi ang namumuting ulan na pinaiikut-ikot at isinasaboy ng hangin kung saan-saan.

Bumalandra sa Burgos ang buong bubong at pamakuan ng isang garahe. Bandang alas-syete na ng umaga nang liparin ito ng hangin.

Bumalandra sa Burgos ang buong bubong at pamakuan ng isang garahe. Bandang alas-syete na ng umaga nang liparin ito ng hangin.

Ligtas na nakabalik pauwi sa kani-kanyang bahay ang nag-ikot na grupo ng NCO. Humahagupit pa rin si Glenda. Tila hindi nauubos ang ulat na tinatanggap ng NCO mula sa iba’t ibang panig ng bayan. Bago mag-alas-diyes, sinasabing nag-high tide at binaha na rin maging ang Balsahan. Kasabay ng rumaragasang tubig sa ilog ang mga kawayan at iba pang uri ng punong nabuwal mula sa mas matatatas na lugar.

Mga bakas ng bagyo

Tanghali na nang tuluyang iwan ni Glenda ang Naic. Subalit ilang oras at araw na ang nakalilipas ay ramdam pa rin ang hagupit at nagkakawing-kawing pang sulirianing iniwan nito.

Sa pagkawala ng kuryente ay labis na nalimitahan ang galaw ng mga taga-Naic. Humina ang supply ng tubig mula sa Nawascor. Hindi rin makahigop ng tubig ang mga gumagamit ng pambombang de-motor. Karaniwang tagpo ang naghahabang pila upang makaigib ng tubig-poso.

Unti-unting naiiga ang baterya ng mga cellphone dahil sa kawalan ng kuryente. Ramdam din ang paghina ng signal ng lahat ng network providers at may mga pagkakataong hindi makatawag o text, at nahuhuli ang dating ng mga ipinapadalang mensahe. Bagsak din ang linya ng Globe landline. Hindi rin mapagana ang internet connections. Iilan na lamang ang nakapag-iinternet, kalimitan ay iyong mga gumagamit ng portable.

Sa unang araw ng bagyo, nasa 90% ng komersyo sa Naic ang paralisado. Sarado ang halos lahat ng establisyamento sa Naic, maliban sa ilang malalaking negosyo gaya ng McDo, Jollibee at 7-11. Generator ang bumuhay sa ilang nagbukas kinabukasan. Gayunman, natunaw na ang mga ice cream. Walang fruit shake sa ilang restaurant. Wala pa ring computer shops. Kinukulang ang mga tinapay, maging kandila, at naghahaba ang pila sa mga gasolinahan. Ang ilang water stations, nagbenta ng kanilang tubig sa halagang 40 pesos mula sa dating 25 pesos. Ipinatong umano nila ang gastos sa krudo ng generator nilang ginagamit. Apektado maging ang mga kubrador ng small town lottery (STL) dahil hindi gumagana ang de-kuryenteng pambola ng STL. Pinakamabenta ang nagbukas na charging stations kung saan 10 hanggang 20 pesos ang bawat oras na pa-charge ng anumang gadget. May isa sa Luna, at may isa sa Rosie’s Mall.

Bumagsak ang matandang puno ng himbabao at dinamay nito ang poste ng Meralco malapit sa CvSU naic.

Bumagsak ang matandang puno ng himbabao at dinamay nito ang poste ng Meralco malapit sa CvSU naic.

Apektado rin ang agrikultura matapos malunod ang maliliit na pananim. Nasira ang magugulang na sanang bunga at halaman. Napilitang anihin ang mga gulay na wala pa sa panahon ng pag-aani. Hindi rin makapag-ayos agad sa bukid ang mga magsasaka dahil inuuna nilang ayusin ang mga bahay na giniba ng bagyong Glenda. Nasira rin ang ilang bangka ng mga mangingisda sa Balsahan. Wala pa ring makalaot hanggang sa kaninang umaga dahil malalaki pa rin ang alon sa dagat.

Hanggang sa Huwebes (Hulyo 17) ay hindi pa rin maayos ang panahon sa Naic. Maya’t mayang nag-iiba ang panahon. Sali’t salitan ang araw at ulan.

Sa mga nabanggit na tagpo ng pananalasa ng bagyong Glenda, kahawig sa ibang bayan at lungsod sa Cavite, kaagad na idineklara ng Kapitolyo ang State of Calamity sa lalawigan. Hanggang sa araw na ito, dalawang araw makalipas ang bagyo ay wala pa ring pasok sa lahat ng antas ng paaralan.

Sa pinakahuling ulat, nagkakuryente na sa Naic bandang alas-dos at kalahati ng hapon. Gayunman, halos ang kabayanan lamang ang nasuplayan ng kuryente at patuloy na nananatiling lukob ng dilim ang maraming baryo. Nagsagawa rin ng relief operation ang Kapitolyo ngayong araw sa Naic.

Naic parks, streets, buildings get makeover

Milyun-milyong piso ang tinatayang ginugol at patuloy na ginugugol ng pamahalaang lokal para sa mga pagawaing bayan ngayong 2013.

Ang kasalukuyang anyo ng binagong Lovers' Park (ABC Hall) sa poblasyon ng Naic.

Ang kasalukuyang anyo ng binagong Lovers’ Park (ABC Hall) sa poblasyon ng Naic.

Habang ang unang yugto ng taon ay nasa ilalim pa ni Mayor Edwina Mendoza, ang paglalagay ng CCTV camera sa poblasyon ang maituturing na isa sa mga natatanging pagbabago sa kabayanan. Matutunghayan din sa administrasyong Mendoza ang pagpapatuloy ng mga proyektong pagawain sa mga baryo at ilang kanayunan.

Bakas na bakas naman sa panunungkulan ni Mayor Junio Dualan ang pagbabagong mukha ng poblasyon dahil sa pagsasabagong-anyo ng Lovers’ Park o higit na kilala bilang ABC Hall. Pinasimulan ang pagawain noong ika-4 ng Nobyembre at inihabol matapos hanggang pistang bayan. Sa mga ulat ni Mayor Junio Dualan sa Naic, sinabi niyang ilalapit o ihahalintulad sa disenyo ng simbahan ang bagong bihis na Lovers’ Park. Paraan umano ito ng pamahalaang lokal upang maganyak pa ang mga turista na dalawin ang bayan.

Bahagi pa ng mga ulat ni Mayor Dualan, isinagawa o di kaya ay nakalinya na umano ang pagsesemento ng daan sa Ibayo Silangan patungong palengke, pagpapagana sa grand central terminal, paglilipat ng isang gusali ng pamilihang bayan sa loob ng terminal, multipurpose hall sa Bucana Elementary School, mga silid-aralan sa Sabang Elementary School, dalawang silid-aralan din sa isang paaralan sa Villa Apolonia, pag-aaspalto sa poblasyon, pagsesemento ng daan sa Kalye Seaman sa Bancaan, pagpapaayos sa plaza, pagpapalapad ng daan sa Sabang at Malainen, at pagbabagong mukha ng munisipyo upang makatawag pa ng ibang mga magnenegosyo.

 

On hero’s 150th birthday: “Byaheng Bonifacio” is byaheng Naic

Kaugnay ng ika-150ng kaarawan ni Andres Bonifacio ngayong 2013, inilunsad ng Department of Tourism (DOT) at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang “Biyaheng Bonifacio: Biyaheng Bayani ng Bayan.” Kinampanya sa proyekto ang pagbisita sa 16 na lugar na itinuturing na may malaking papel sa buhay ni Bonifacio. Kabilang sa mga naturang lugar ang Casa Hacienda de Naic (Naic Elementary School ngayon) kung saan naganap ang Naic Military Agreement, pag-bartolina at unang bahagi ng paglilitis kay Bonifacio.

Ang kasalukuyang itsura ng Casa Hacienda de Naic, kuha nito lamang Disyembre 2013.

Sinasabing layon ng proyekto na pataasin ang interes ng publiko tungkol sa rebolusyonaryong bayani na si Bonifacio. Ayon kay Ryan Sebastian, Tourism Operation Officer II at isa ring taga-Naic, sa ulat ng Philippine Star noong Marso, “We need to promote and preserve our cultural heritage. People who live in places visited by Bonifacio must feel that their places are important, because through this they develop a pride in their place.”

Dalawang Naicqueño ang nakabilang sa unang 20ng nakatapos sa “Biyaheng Bonifacio.” Kasama sa mga pinarangalan ng DOT at NHCP sina Harvey Poblete at Erwin Bisain noong ika-6 ng Hunyo. Tumanggap ng katibayan at regalo sina Poblete at Bisain sa awarding ceremony na idinaos sa NHCP sa Maynila. Kinapanayam pa si Bisain, ika-siyam na nakatapos ng byahe sa buong bansa, para sa balitaang State of the Nation with Jessica Soho ng Channel 11 noong ika-26 ng Nobyembre. Bahagi pa rin ito sa pagdiriwang ng kaarawan ni Bonifacio.

Si Erwin Bisain, taga-Naic at pang-siyam sa buong bansa na nakatapos sa Byaheng Bonifacio, habang kinakapanayam para sa programang SONA with Jessica Soho ng Channel 11.

Samantala, mai-uugnay ang muntik nang pagkasunog ng gusali ng Casa Hacienda de Naic noong ika-29 ng Agosto. Bandang 9:00AM, napansin ng mga magulang na nasa tapat ng gate ng eskwelahan na dumidiklap at pumuputok ang mga linya ng kuryenteng nakakabit sa unahan ng matandang gusali. Nagdulot ng panic at pangamba ang pangyayari sa maraming naroroon. Patuloy na isinusulong ng ilang mamamayan at samahan ang pangangalaga sa Casa Hacienda de Naic bilang pamana ng kasaysayan.

Naic holds flag raising ceremony under new mayor

Agosto 5, 2013 (Lunes). Sa kauna-unahang buwanang flag raising ceremony ng Naic sa ilalim ng bagong administrasyon, inilahad ni Mayor Junio Dualan ang mga kinaharap at naisagawa ng kanyang pamamahala sa nakalipas na isang buwan. Inilahad din niya ang tunguhin ng Naic sa mga susunod na panahon.
Ang mga nakiisa sa pagtataas ng watawat para sa unang Lunes ng Agosto habang inaawit ang pambansang awit.

Ang mga nakiisa sa pagtataas ng watawat para sa unang Lunes ng Agosto habang inaawit ang pambansang awit.

Unang tinalakay ni Mayor Dualan ang ukol sa kalinisan ng bayan. Araw-araw na umanong naghahakot ang mga basurero ng basura. Nakahiram pa umano ang Naic ng dagdag na dalawang trak-panghakot mula sa kapitolyo. May bulldozer rin umanong limang araw nang gumagana sa basurahan na kung magiging maganda ang gamit ay maaaring bilhin na ng Naic. May darating din umanong shredder ng plastik ngayong linggo, kung saan ang magigiling na basura ay bibilhin na mismo ng magpapahiram ng shredder. Isa umano ang Naic sa mga bayan sa Cavite na may sariling basurahan. Ang kailangan na lamang ay alagaan ito ng bayan.
   …
Paksa rin ni Mayor Dualan ang palengke. Dalawang beses umano kada linggo kung bombahin ito ng tubig ng mga bumbero. Ito ay upang laging malinis ang pamilihan. Ayon pa kay mayor, hihingi siya ng pulong sa mga taga-palengke upang tuluyan nang mawala ang korupsyon doon. Imumungkahi umano sa pulong na tuwing ika-15 at katapusan ng buwan na lamang magbabayad ng arkabala ang may mga fixed stall. Gagamitin umano ang resibo ng munisipyo para sa naturang transaksyon.
   …
Tungkol naman sa multi-milyong pisong grand central terminal na pinasimulan ng nagdaang administrasyon, hindi pa umano ito naite-turnover sa kanila ayon kay Mayor Dualan. Kung umuusad umano ang proyekto, sa feasibility study ay inaasahan sanang kumikita na ito ngayon. Sa kabila ng pagkaantala sa terminal, nakipagpulong na umano si mayor sa transport group, sa mga namamahala ng mga bus, baby bus at mga jeep. Nagkasundo umano sa pulong na magbabayad na ang mga sasakyan, katumbas ng babayaran nila sakaling operational na ang terminal. Itinuturing ni Mayor Dualan na malaking tulong ang koleksyon para sa bayan.
   …
Ang grupong Anakalayag ng Cavite State University  - Naic na naghahandog ng isang awit-panalangin.

Ang grupong Anakalayag ng Cavite State University – Naic na naghahandog ng isang awit-panalangin.

Binanggit din ni mayor na flashing na lamang ang traffic light sa mga panulukan sa Sabang at San Roque. Hudyat na lamang umano ang mga ilaw na ang bahaging iyon ay kanto o interseksyon. Idinagdag pa ni Mayor Dualan na may bago na ring ambulansya ang Naic.
   …
Samantala, bahagi umano ng plano ng pamahalaang Naic na pasimulan ang mga pagawain sa Setyembre. Nakalinya na umano ang pagpapaayos ng daan patungong palengke. Magkakaroon din ng pagawain sa mga eskwelahan sa Villa Apolonia at Bucana. Bukod sa mga nabanggit ay sunud-sunod na umano ang mga magiging pagawaing bayan.
   …
Nanawagan din si Mayor Dualan na pangunahan ng Barangay Association ang flag ceremony sa susunod na buwan. Pagkakataon umano ito upang magkasama-sama at makilala ng buong bayan ang mga nanunungkulan sa mga baranggay bago sumapit ang halalan sa Oktubre.
   …
Sa nakalipas umanong isang buwan, sumakit ang ulo ni mayor sa dami ng nagpasa ng aplikasyon sa trabaho. Umabot umano sa 3,000 ang mga nag-apply. Hindi umano madaling kausapin ang bawat isa upang sabihing tatanggapin o hindi ito matatanggap. Bilang tugon, isang job fair ang ilulunsad ng pamahalaang lokal ngayong Agosto. Inaasahan ang pagdating ng mga lokal at internasyonal na kumpanya.
   …
Bukas umano ang Munisipyo sa anumang suhestiyon upang mapaunlad pa ang bayan. Ayon kay Mayor Dualan, “Ako po ay humihiling, kaunting pag-unawa, kooperasyon. Ako po ay inyong tulungan. Tulungan n’yo ang pamahalaang bayan ng Naic sa amin pong pamamahala.”
   …
Ang mga department heads sa iba't ibang tanggapan ng Naic habang inaawit ang Himno ng Cavite.

Ang mga department heads sa iba’t ibang tanggapan ng Naic habang inaawit ang Himno ng Cavite.

Sa digital recorder ng Naic Cavite Online ay mahigit 18ng minuto ang itinagal ng mensahe ni Mayor Dualan. Sa buong palatuntunan ay nagbigay ng pambungad na pananalita si Vice Mayor Rod Castillo at pangwakas naman ang sa nangunang konsehal noong halalan, Konsehal SJ Nazareno. Isa-isa ring tinawag ang mga konsehal upang ipakilala ang mga komiteng kanilang hinahawakan sa Sanggunian Bayan.
   …